Nasa 200 customer magdamag nag-abang sa iPhone 14

Nasa 200 customer magdamag nag-abang sa iPhone 14

October 14, 2022 @ 8:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magdamag na pinilahan ng nasa 200 katao sa Power Mac store sa Greenbelt 3, Makati ang paglalabas ng pinakabagong model na Apple iPhone 14.

Ang ilan ay nagdala pa mismo ng mga gamit upang makatulog pa habang naghihintay sa pagbubukas ng tindahan alas-12 ng hatinggabi nitong Biyernes, Oktubre 14.

Sa katunayan, ang pinakauna sa linya na isang sales staff na nais makabili ng iPhone 14 ay pumila pa mula alas-7 ng umaga noong Miyerkules, Oktubre 12 at naghintay ng halos 41 oras.

“Challenge sa madaling araw mainit at malamok. Mahirap ‘yung tulugan na. Di naman pwede magdala kumot. Para makatulog ka maayos, nagdala ko ng carton,” kwento ni Joey Reyes, pinakauna sa pila.

Namahagi naman ng pagkain ang naturang gadget store sa mga customer na nakapila samantala nagtanghal naman si Zack Tabudlo at Sarah Geronimo kasabay ng iPhone 14 launching.

Ang pinakabagong model ng iPhone ay nagkakahalaga ng P61,000 na starting price. RNT/JGC