Nasabat na Batangas sugar shipment, may kaukulang permit – DA

Nasabat na Batangas sugar shipment, may kaukulang permit – DA

March 4, 2023 @ 4:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na nagbigay ng import clearance sa mga mangangalakal na nagdala ng kargamento ng asukal sa daungan ng Batangas noong Peb. 9, bago maglabas ng pormal na order ng asukal na nagpapahintulot sa pag-import.

Ayon sa DA ang tatlong mangangalakal ay kabilang sa mga tumanggap ng import clearances, kasama ang mga nag-aplay para magdala ng mga kargamento kasunod ng pagpapalabas ng Sugar Order No. 6, alinsunod sa plano ng gobyerno na magdala ng 440,000 metric tons ng asukal.

Nabatid sa ulat na dumaong sa Batangas ang mga kargamento ng tatlong mangangalakal bago magkabisa ang Sugar Order No. 6 noong Pebrero 18.

Sa isang memorandum na may petsang Pebrero 27, inatasan ni DA Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban si Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator David John Thaddeus P. Alba na mag-isyu ng clearance sa tatlong mangangalakal.

Kiinabibilangan ito ng All Asia Countertrade, Inc. ay pinaglaanan ng 240,000 MT habang ang Edison Lee Marketing Corp. at S&D Sucden Philippines, Inc. ay binigyan ng tig-100,000 MT.

Kaugnay nito inatasan din ni  Alba ang Bureau of Customs sa daungan ng Batangas na i-clear ang shipment na naka-consign sa All Asian Countertrade, na uuriin bilang reserbang asukal.

Ang reserba ng asukal ay iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., upang tumulong sa pagpigil sa pagbabago ng presyo.

Samantala, ayon sa DA, humigit-kumulang 13,250 MT ng asukal ang dumating sa ngayon. Ang mga import clearance ay may bisa hanggang Marso 29. Santi Celario