Nasabat na ismagel na luxury vehicle binenta ng BOC

Nasabat na ismagel na luxury vehicle binenta ng BOC

June 16, 2022 @ 4:51 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakalikom ang gobyerno ng mahigit P20 milyon makaraang maibenta ang dalawang segunda-manong ismagel na luxury vehicle, na dalawa sa apat na pinakamal na unit sa isinagawang subasta nitong Miyerkules.

Nabatid sa Bureau of Customs (BOC), naibenta ang 2006 Lamborghini Vin, na inabandona noong 2016 sa halagang P10.378 milyon sa FR Agbay Jr. Enterprises sa ginawang joint auction ng nasabing ahenisya katuwang ang Bureau of the Treasury (BTr), at ng state-run na Land Bank of the Philippines.

Ayon sa BOC, bahagyang mas mataas ang selling price nito kumpara sa floor price na P10.377 milyon. Ang Lamborghini ay kabilang sa apat na luxury cars na nakalista sa naudlot na bidding noong Hunyo 9.

Naibenta din ng BOC at ng BTr ang mas mahal na 2008 Ferrari Scuderia 430 na binili ng ETANS sa halagang P10.452 milyon o mas mataas kaysa sa minimum bid price na P10.451 milyon.

Napag-alaman na ang ETANS at FR Agbay Jr. Enterprises lamang ang mga bidder na lumahok at nagsumite ng mga bid para sa dalawang luxury car.

Gayunman, sa ikalimang sunod na pagkakataon, ang 2001 Porsche Boxster at ang 2011 Mercedes-Benz E220 na muling inialok nitong Miyerkules ay hindi nakaakit ng sinumang bidder sa kabila ng pagbabawas na ng BOC sa kanilang selling price ng humigit-kumulang kalahati kumpara sa orihinal na floor prices noong una itong inialok noong Disyembre.

Matatandaan na bago ang pandemya ay sinira ng BOC ang mga smuggled na sasakyan na ipinakita sa publiko upang ipakita na seryoso ang gobyerno sa anti-smuggling drive ngunit nitong nakaraang taon ay nagbago ng taktika ang gobyerno at nagsubasta ng ilan sa mga mamahaling sasakyan na nasamsam nito upang madagdagan ang mga kita sa gitna ng matagal na paglaban sa COVID-19. JR Reyes