Nasawing delivery rider, wake-up call sa proteksiyon ng ‘gig economy workers’ – Hontiveros

Nasawing delivery rider, wake-up call sa proteksiyon ng ‘gig economy workers’ – Hontiveros

November 7, 2022 @ 7:04 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagmistulang wake up call ang pagkamatay ng isang delivery rider ng Lalamove upang muling ipananawagan ang higit na proteksiyon sa “gig economy” workers, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangan nang maisabatas ang mas malakas na proteksiyon sa delivery riders matapos matagpuan ang isa sa kanila na walang buhay habang nagpapahinga sa kanyang motorsiklo.

“Nakikiramay kami sa pamilya ni Noel Escote na binawian ng buhay sa gitna ng paghahanpabuhay bilang delivery rider. Let his death be a wake up call to our colleagues in the legislature to immediately act on pending bills that will make sure that the rights and welfare of the increasing number of gig economy workers are upheld,” aniya.

Nanawagan na rin si Hontiveros sa kompanyang Lalamove na tulungan ang pamilya ni Escote na namatay habang gumaganap ng tungkulin bilang rider nito.

“Isang halimbawa si Noel ng Pilipinong nagsisikap na magdeliver para matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kaya nananawagan ako sa Lalamove, kaisa ng pamilya ni Noel, na magpaabot ng tulong sa kanyang naulila upang mabigyan man lang siya ng disenteng libing,” ayon sa Senadora.

Noong Oktubre, inihain ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1373 o ang Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera (POWERR) Act na naglalayong protektahan ang karapatan ng gig economy workers kabilang ang lahat ng delivery riders at freelancers, na may mababang sahod at mapanganib na kondisyon sa trabaho.

Isa sa pangunahing punto ng panukala ang matiyak na nakalista ang mga manggagawang ito sa social protection program ng pamahalaan tulad ng PhilHealth, SSS, Pag-ibig at iba pa.

Kasama din nito na pananagutin din ang online platform sa anumang uri ng sakit na makuha ng manggagawa sa oras ng trabaho partikular ang delivery riders.

“Currently, delivery riders are categorized as “independent contractors” as opposed to employees. Therefore, they are not qualified to receive social protections under our labor laws. Wala ring malinaw na patakaran para sa accident at health insurance, kaya magandang maipasa na ang batas to fill in the said gaps,” paliwanag ni Hontiveros.

“Huwag naman sanang may buhay pa ulit na masakripisyo bago matugunan ang kanilang hinaing. Kailangan ng agarang aksyon upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari lalo pa’t dumarami pa ang pumapasok sa ganitong klase ng hanapbuhay,” giit niya. Ernie Reyes