Nasawing detainee sa Maguindanao iimbestigahan ng CHR

Nasawing detainee sa Maguindanao iimbestigahan ng CHR

October 2, 2022 @ 9:03 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Commission on Human Rights ang pagkamatay ng isang 25-anyos na detainee sa loob ng Barira Municipal Police Station sa Maguindanao.

Ayon sa CHR nitong Sabado, Oktubre 1, nakipag-ugnayan na sila sa Bangsamoro Human Rights Commission para matutukan ang nasabing insidente.

Sa impormasyon ng komisyon, sumuko umano ang suspek na si Johairie Maongco Dagalangit noong Setyembre 25 dahil di-umano sa pagkakahagip nito sa isang bata sa naganap na motorcycle accident.

Matapos nito ay kagyat na dinala sa detention facility si Dagalangit ngunit idineklarang patay na sa loob ng pasilidad isang araw makalipas ito, Setyembre 26.

Ayon naman sa Barira Police, namatay si Dagalangit dahil sa bangungot.

Iba naman ito sa sinabi ng CHR dahil ayon sa ama ni Dagalangit ay mayroong hematoma at pasa ang katawan nito, senyales umano ng torture.

Ayon pa sa ama, bago iturn-over ng barangay sa Barira MPS ang kanyang anak ay wala naman itong pasa o sugat.

Nagpalabas naman ng hiwalay na pahayag si Maguindanao Police Director Colonel Roel Sermese at sinabing nasa ilalim na ng administrative relief ang hepe ng Barira Police at inilipat naman sa iba’t ibang himpilan noong Setyembre 27 ang iba pang pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon

“We assure that Maguindanao PPO shall remain committed to the principles of transparency and accountability that we have been working hard on to continue winning the trust, confidence, and respect of the Bangsamoro Community,” ani Sermese.

Pinuri naman ng CHR ang ginawa ng Maguindanao PPO sa agarang aksyon nito sa insidente.

“It is crucial that truth be uncovered swiftly to aid in attaining justice. Any allegations of torture must be firmly tackled to demonstrate seriousness in exacting accountability and to prevent similar future incidents of abuse of authority. The prohibition against torture is absolute and no circumstance can justify it as outlined in the Anti-Torture Act of 2009 and the United Nations Convention against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment,” anang Komisyon.

“State agents must always take to heart their duty to ensure due process at all times and to respect the rights of all persons, including detainees, suspects, and prisoners,” dagdag pa ng CHR. RNT/JGC