Nasawing ‘middleman’ sa Lapid slay case, naingatan sana – Bantag

Nasawing ‘middleman’ sa Lapid slay case, naingatan sana – Bantag

October 22, 2022 @ 8:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag na maaaring naingatan pa nila ang inmate na tinukoy bilang “middleman” sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid kung nasabihan lamang sila ng mas maaga.

Aniya, mayroon umanong “lack of communication” na nangyari dahil hindi man lamang siya nasabihan na mayroon palang inmate na itinuturong sangkot sa naturang kaso.

“Sana lang sabi ko nga kung nasabi sa amin at earlier, earliest time sana napigilan ito. Kasi kami talagang open naman kami eh makipagtulungan eh wala eh,” ani Bantag.

“Katulad kahapon sabi ni Secretary of Justice na isecure ninyo itong Villamor na ito, ginawa natin. Yun ang problema kasi mayroon kaming kakulangan sa communication,” dagdag pa niya.

Paliwanag naman ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, ibang pangalan ang naikanta ng self-confessed gunman na si Joel Escorial mula sa pangalan ng nasawing inmate.

Aniya, Crisanto Villamor ang ibinigay na pangalan ni Escorial.

“As far as we are concerned, wala pong nareceive or admitted na PDL (person deprived of liberty) named Crisanto P. Villamor,” pahayag ni Chaclag.

Dagdag pa niya, mayroon din silang inmate na ang pangalan ay Jose Villamor at ito ay naipasiguro na nila sa Philippine National Police (PNP).

“In coordination with the PNP, yung Jose Villamor ay secured po ‘yun,” aniya.

Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na ang tinukoy na “middleman” sa pagpatay kay Lapid ay kaparehong tao sa “Jun Villamor” na nasawi sa loob ng New Bilibid Prison.

Ayon kay Remulla, nasawi si Villamor noon pang Oktubre 20.

Sa kabila nito, nagpapatuloy na ang National Bureau of Investigation forensic team sa pagsasagawa ng autopsy sa labi nito.

“Kumuha tayo ng mga tissue samples at samples ng mga organ. Inaantay pa natin ang general toxicology report at ang ating pathology report na aabutin ng more or less one week bago lumabas,” pahayag ni NBI spokesperson Gisele Garcia-Dumlao said.

Sa mga pangyayaring ito, dismayado ang pamilya ni Lapid lalo na sa pagkamatay ng “middleman.”

“Sobrang bagsak ang mga barikat namin magmula nang malaman namin ‘yang balita na ‘yan. Kahit pa mayroong question ang publiko tungkol sa identity nitong gunman, nanalig po kami sa ginawa ng pulis,” pahayag ni Roy Mabasa, kapatid ng biktima.

“Dahil saan pa ba kami pupunta kung hindi sa ating pamahalaan. Ang primary concern ko lang ay yung seguridad muna ng pamilya. Sa mga pangyayari na ito, hindi na kami nakakatiyak kung sino ang mga kakampi o kalaban namin,” pagtatapos niya. RNT/JGC