Nasingil ng BIR sa POGO P4.4B na

Nasingil ng BIR sa POGO P4.4B na

October 3, 2022 @ 7:11 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa P4.4-bilyon ang nakolektang tax ng Bureau of Internal Revenue mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa unang walong buwan ng taon.

Ito ang sinabi ng ahensya nitong Lunes, Oktubre 3 kasabay ng pagdinig sa Senado kung saan nalampasan na agad nito ang isang taon na revenue noong 2021.

Sinabi ni BIR Director Atty. Sixto Dy Jr. na nakolekta ng ahensya ang aabot sa P4.438-bilyon na buwis mula Enero hanggang Agosto ngayong taon mas mataas sa P3.91 bilyon nakolekta sa buong taon noong 2021.

Matatandaan na noong nakaraan taon ay bumaba ang nakolektang buwis sa kabila na naipasa ang Republic Act 11590 o POGO Law ng dating pangulong Rodrigo Duterte.

“However, contrary to the lofty expectations, POGO entities have not returned to the Philippines and the number of foreign nationals employed by POGOs have not reached its pre-pandemic levels but drastically decreased…,” ayon sa BIR.

Sa iprinesenta ng ahensya, makikita na mayroon na umanong 163 POGO entities sa bansa sa huling datos nitong Hunyo 2022 na binubuo ng 35 licensees at 130 service providers.

26 sa mga licensees at 127 service providers naman ang operational.

Mayroon naman 34,245 na manggagawa sa POGO industry, 17,509 sa mga ito ang dayuhan at 16,736 ang mga Filipino.

Mas mataas ito kumpara sa 30,583 indibidwal na narehistro noong nakaraan taon ngunit mas mababa sa 42,385 indibidwal noong 2020. RNT/JGC