Nasino sa pamahalaan: Iba pang aktibista palayain na!

Nasino sa pamahalaan: Iba pang aktibista palayain na!

December 23, 2022 @ 9:23 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanawagan sina Reina Mae Nasino, Alma Moran at Ram Carlo Bautista sa pamahalaan na palayain na ang iba pang mga kasamahang aktibista at political prisoners na palayain na sa pagkakakulong sa tinawag nilang “illegal arrests.”

Matatandaan na nitong Huwebes, Disyembre 22 ay nakalaya na si Nasino at dalawa pang kasamahan makaraang makapagpiyansa dahil sa kasong illegal possession of firearms.

“‘Yong desperadong mithiin nilang pahinain ang mga makabayang organisasyon katulad po naming mga aktibista na lumalaban para sa kapakanan ng mamamayan, sampal po sa kanila ‘yon na napalaya po kami,” pahayag ni Nasino sa isang panayam.

Dagdag pa niya, katulad ng pagpapalaya sa kanilang tatlo, karapat-dapat din palayain ang iba pa nilang kasamahang political prisoners.

“Masaya kami at nakalaya kami, pero mas masaya kung lahat ng political prisoners sa bansa na katulad ng ginawa sa amin na iligal na inaresto, sinampahan ng gawa-gawang kaso, at dapat mapalaya din kasi deserve nilang mapalaya katulad namin,” aniya.

Matatandaan na naaresto noong 2019 sina Nasino, Moran, at Bautista sa ikinasang raid sa opisina ng progresibong grupo na BAYAN sa lungsod ng Maynila.

Kalaunan ay ipinag-utos ng Manila regional trial court na ang tatlong aktibista ay makalaya makaraang magbigay ang mga ito ng surety bond na P282,000 o ikalimang bahagi ng court-set na P1.4 milyon na piyansa.

Matatandaan na si Nasino ang napabalita kamakailan na namatayan ng sanggol makaraang manganak habang nasa kulungan.

“Magpapatuloy po ang laban namin. Sasagutin po namin lahat hanggang sa malinis pangalan namin,” pangako niya kasabay ng paglaya nito.

“Halos 4 na Pasko kaming ‘di nagsama-sama, sobrang saya namin, kaya nagpasasalamat kami sa lahat ng sumuporta at nakikiisa sa laban namin. Asahan po ninyo na lalaban kami hanggang sa pinakadulo po, salamat po,” dagdag pa niya. RNT/JGC