Nasita dahil sa face mask, lolo isinelda sa shabu

Nasita dahil sa face mask, lolo isinelda sa shabu

August 5, 2022 @ 9:41 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng isang 65-anyos na lolo matapos itong mabisto na mayroong dalang shabu matapos na pumalag at tangkain pang takasan ang pulis na na sumita sa kanya dahil wala itong suot na face mask sa Valenzuela City.

Kinilala ni PLT. Armando Delima, hepe ng Sub-Station 6 (SS6) ng Valenzuela police ang naarestong suspek bilang si Thomas Fernando Vizmanos, helper sa Brgy. Dalandanan.

Base sa report ni PSSg Carlito Nerit Jr., kay Valenzuela Police chief Col. Salvador Destura Jr, dakong alas-11:20 ng umaga, nagsasagawa ang SS6 sa pangunguna ni PMSG Roberto Santillan ng Anti-Criminality/Oplan Galugad sa Road No. 5 Pacheco St., Brgy. Dalandanan nang mapansin ang suspek na walang suot na face mask.

Sa ulat ng pulisya, sinita ni PMSG Santillan ang suspek subalit pumalag ito at tinulak ang pulis saka tumakbo upang tumakas ngunit makalipas ang habulan ay agad rin nadakip ang suspek.

Matapos makorner ay agad itong sinuri ng pulis at nakuha sa suspek ng isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P680 ang halaga at isang bisikleta.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, ART 151 of RPC at City Ordinance No. 687 Series of 2022 (Wear Your Face Mask Ordinance). R.A Marquez