Natagpuang bangkay, kumpirmadong si Jovelyn Galleno – PNP

Natagpuang bangkay, kumpirmadong si Jovelyn Galleno – PNP

August 30, 2022 @ 4:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kumpirmadong ang nawawalang 22-anyos na si Jovelyn Galleno nga ang nakitang kalansay sa Barangay Santa Lourdes, Puerto Princesa sa Palawan batay sa resulta ng DNA test, base sa pulisya.

Ibinalita ni Puerto Princesa City police spokesperson Police Captain Maria Victoria Iquin, na 99.9%. match ang DNA sample na kinuha sa kalansay at swab sample mula sa ina ni Galleno.

“Base sa resulta na isinagawag DNA examination ng PNP forensic group sa DNA samples mula sa natagpuang kalansay at buccal swab ng ina ni Jovelyn lumabas na 99.99 percent na tugma ang resulta,” pahayag ni Iquin nitong Martes.

Inihayag din ito ni Police Major Clyde Kalyawen ng Regional Public Information Office, ayon sa ulat.

Nawala ang dalaga noong Agosto 5 matapos pumasok sa pinagtatatrabahuhan sa isang mall.

Nadiskubre naman ang kalansay nitong Agosto 23, maging ang ilang gamit ni Galleno sa isang masukal na lugar.

Inihayag ni Iquin na umamin sa krimen ang pinsan ni Galleno na si “Jobert.”

Si Jobert din umano ang nagturo sa kinaroroonan ng kalansay. Ginahasa rin umano ang biktima.

Base pa kay Iquin, nalaman ito nang magsaksakan ang mga pinsan ni Galleno na sina Yubert at Jobert matapos magkaroon ng matinding pagtatalo.

Habang iniimbestigahan, doon na isiniwalat ni Jobert ang ginawang krimen sa kanilang kamag-anak.

Magugunitang nagpahayag ng alinlangan ang pamilya ni Galleno kung sa kaniya nga ang kalansay dahil mabilis na naging buto ang mga labi. RNT/SA