Natarantang holdaper nakaiwan ng ID sa crime scene, arestado!

Natarantang holdaper nakaiwan ng ID sa crime scene, arestado!

November 14, 2022 @ 12:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa karsel humantong ang isang call center agent matapos na mataranta maiwan niya ang kanyang bag na may lamang kanyang identification (ID) card sa hinoldap niyang establisyemento sa Valenzuela City.

Dinakip si Gene Lucero, 37, dakong alas-7 ng gabi nitong Sabado, Nobyembre 12 sa kanyang bahay sa Cristobal St., Barangay Karuhatan, ang address na nasa kanyang ID, at haharap sa kasong robbery with threat and intimidation.

Nabatid, rumesponde ang mga pulis Goldilocks Bakeshop, sa Barangay Karuhatan, dakong alas-3:30 ng hapon matapos dumulog ang mga kawani ng establisyemento na may naganap na holdapan.

Gamit ang isang patalim ay nagdeklara ng holdap ang supek at tinakot ang babaeng crew na si Warren Jean Figueroa, 25, ng Dulong Tangke, Barangay Malinta, Valenzuela, saka dinamba ang cash box ng tindahan na may lamang nasa P4,000 hanggang P5,000.

Nang patakas na ang natarantang suspek ay napukaw niya ang atensyon ng mga tao sa paligid, na humabol sa kanya, at dahil sa pagkataranta ay hinagis ni Lucero ang kanyang patalim at cash box, na nang bilangin ang laman ay P999 na lamang, at dito lang siya tinananan ng mga humahabol.

Sa imbestigasyon may nakita ang mga pulis na may bag na naiwan sa crime scene na may lamang ID ng suspek, at nakita rin sa closed-circuit television (CCTV) camera footage na nakasuot ng itim na t-shirt, short, face mask, cap, wrist watch, at cap ang suspek na suot pa rin nito nang damputin siya sa kanyang bahay makalipas lamang ang tatlo at kalahating oras. Merly Iral