National CDC, Virology Institute, malapit nang maisabatas sa Senado – Estrada

National CDC, Virology Institute, malapit nang maisabatas sa Senado – Estrada

October 10, 2022 @ 8:15 AM 6 months ago


MANILA, Philippines- Inaasahan ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang agarang deliberasyon sa Senado ng mga panukalang batas na magsasaayos sa healthcare system ng bansa at maglalatag ng kahandaan sa mga hinaharap na krisis sa kalusugan matapos ianunsyo ang pagkakabilang ng mga ito sa priority bills ng Senado.

“Ang namumuong suporta para sa dalawang panukalang batas ay magandang indikasyon na magiging ganap na batas ang mga ito. Makatitiyak tayo na magiging maayos at mabilis ang pagpasa ng mga ito,” ani Estrada.

Ang pahayag na ito ng senador ay kaugnay sa pagtitiyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagbibigay prayoridad ng mataas na kapulungan sa Senate Bill No. 679, o ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) Act, at Senate Bill No. 281, o ang panukalang Virology Institute of the Philippines (VIP) Act na parehas na inihain ni Estrada.

Ayon mismo kay Zubiri, ang mga naturang panukalang batas ay umaani na ng suporta mula sa mga kasamahan nilang mga senador.

“Ipinamulat sa atin ng pandemyang dulot ng COVID-19 ang malaking kakulangan ng health services ng gobyerno, pati na rin sa strategic support para tugunan o maibsan ang epekto nito sa pampublikong kalusugan. Umaasa tayo na maipapasa at maisasabatas ang dalawang panukalang ito sa ilalim ng 19th Congress,” Estrada said.

Ang SB 281, na kabilang sa listahan ng priority bills ni Estrada, ay naglalayong maglatag ng legal na balangkas para sa pagtatatag ng isang ahensya ng gobyerno na makapagbibigay ng mga siyentipikong batayan sa paggamot ng mga nakahahawang sakit batay sa mga isasagawang malawak na pag-aaral sa mga virus at ang kanilang potential disease-causing agents.

Ang panukalang VIP ay mangunguna sa pananaliksik at inobasyon ng bansa mula sa mga virus ng tao, hayop at halaman sa susunod na 10 hanggang 15 taon at tututok sa pagtuklas ng mga gawang lokal na bakuna. Nilalayon ng Institute na maging katuwang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa pananaliksik at paglikha ng mga bakuna, sabi ng senador.

Samantala, ang iminugkahing pagtatag ng Philippine CDC sa ilalim ng SB 679 ay naglalayon naman na tukuyin ang mga gawain sa pagitan ng mga kasalukuyang ahensya at i-maximize ang kasalukuyang mga mandato ng mga ito, sabi pa ni Estrada.

Ang Philippine CDC ay isasailalim sa Office of the Secretary ng Department of Health (DOH) at pamumunuan ng isang director general. Sa ilalim nito ay magkakaroon ng Center for Health Statistics, Center for Surveillance and Epidemiology, Center for Health Evidence at Center for Reference laboratories.

Sa nasabing panukalang batas, ang ilan sa mga kasalukuyang tanggapan at units ng gobyerno, kasama na ang RITM, ay ire-restructure upang matiyak ang malinaw na paglalarawan ng mga tungkulin at epektibong koordinasyon na ililipat mula sa DOH at ilalagay sa pangangasiwa ng CDC. Ernie Reyes