National Disaster Resilience Month: ‘Klarong in-charge sa kalamidad, kailangan na’- Bong Go

National Disaster Resilience Month: ‘Klarong in-charge sa kalamidad, kailangan na’- Bong Go

July 10, 2022 @ 2:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Disaster Resilience Month, muling inihayag ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangangailangan ng batas na magtatatag sa Department of Disaster Resilience (DDR) upang magkaroon ng klarong in-charge sakaling may mangyaring ‘di inaasahang kalamidad sa bansa.

Dahil karaniwan ang mga natural na sakuna at kalamidad sa bansa at ang mga paghihirap na idinudulot nito sa mga Pilipino ay lumalakas sa gitna ng pandemya, nanindigan si Go na kailangang pagbutihin ang diskarte tungo sa katatagan at kakayahang angkop sa mga paulit-ulit na natural na pangyayaring ito.

“Dahil sa dalas ng mga natural na kalamidad tulad ng mga bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan na tumatama at pumipinsala sa atin taun-taon, panahon na para tanggapin natin na ang ating bansa ay partikular na mahina sa mga nagbabantang kalamidad,” sabi ni Go.

“Samakatuwid, ang paghikayat sa isang kultura ng pagiging maagap at kakayahang angkop ay mahalaga upang matiyak ang kahandaan at kaligtasan ng mga Pilipino sa mga oras ng krisis,” diin niya.

Habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Disaster Resilience Month, binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagpapataas ng kamalayan ng publiko, pagpapalaganap ng impormasyon at pagtuturo sa pangkalahatang publiko tungkol sa mga pagsisikap ng isang komunidad sa paghahanda sa kalamidad.

Ang Executive Order No. 29 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2017 ay nag-uutos na ipagdiwang ang National Disaster Resilience Month sa buong bansa tuwing Hulyo. Ang mga aktibidad na nauugnay sa pagtataguyod ng disaster resilience na sumasaklaw sa pag-iwas at pagpapagaan, paghahanda, pagtugon at rehabilitasyon, at pagbawi ay karaniwang isinasagawa sa buong buwang paggunita.

“We should accept that there is more the government as a whole can do to prepare the public for disasters and educate them about it. Lalo na po sa mga LGUs na pinakaapektado ng pandemya, malapit sa bulkan o palaging tinatamaan ng bagyo o sakuna,” sabi ni Go.

“Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit ko itinutulak ang paglikha ng DDR. Parte ng magiging mandato nito ay ang pag-improve lalo na sa information dissemination at sa mas mahusay na pagtuturo sa mga Pilipino kung paano maghanda sa pagtugon sa mga ganitong krisis,” idinagdag niya.

Muling inihain ni Go sa 19th Congress ang kanyang panukalang Department of Disaster Resilience Act na naglalayong lumikha ng isang empowered, highly specialized at responsive DDR na magbibigay ng malinaw na iisang command at pangunahing responsable sa pagtiyak ng ligtas, adaptive at disaster-resilient na mga komunidad.

Sa kasalukuyan, ang mga ahensya ng gobyerno na humaharap sa panganib ng kalamidad ay nakakalat sa ilang mga departamento at opisina at ang kasalukuyang namumuno na National Disaster Risk Reduction and Management Council ay gumaganap lamang bilang isang coordinating body.

“Kailangan na po talaga nating i-scale up ang preparedness and resiliency against disasters. Napapanahon na din na talagang magkaroon ng sariling departamento na nakatutok talaga dito sa mga ganitong pangyayari. Mayroon dapat klarong in-charge sa ganitong mga sitwasyon,” ani Go.

Bukod sa DDR bill, inihain din ni Go ang Mandatory Evacuation Center Bill, na mag-aatas sa bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad na magtayo ng
mga center na lalagyan ng emergency packs, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

“Dapat may higaan, comfort rooms, ‘yung sanitation maayos, hanggang sa makauwi sila sa kanilang mga bamahay,” dagdag niya.

“Huwag na po tayong magsayang ng oras. Huwag na po nating hintayin na may dumating pang matinding kalamidad sa ating bansa. Panahon na upang palakihin ang ating kahandaan at katatagan laban sa mga natural na sakuna at pandemya,” muling iginiit ni Go. RNT