National Hijab day bill muling inihain sa Kamara

National Hijab day bill muling inihain sa Kamara

August 17, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Muling inihain sa House of Representatives ni Basilan Rep Mujiv Hataman ang panukalang pagdedeklara ng Pebrero 1 ng kada taon bilang National Hijab Day.

Layon ng inihaing panukala ni Hataman na magkaroon ng awareness ang publiko ukol sa paggamit ng hijab.

“Ang hijab ay isa sa mga simbolo ng pananampalataya para sa mga kababaihang Muslim ngunit nakakalungkot na ito rin ang nagiging dahilan ng kanilang diskriminasyon. Hangad natin ang mas malalim na pang-unawa at kamulatan tungkol sa pagsusuot ng hijab sa hanay ng ating mga kapatid na Muslim.” pahayag ni Hataman.

Aniya, maraming kwento tungkol sa diskriminasyon laban sa mga nakasuot ng hijab, ilan sa mga ito ay pinagtatanggal umano ang hijab sa mga paaralan, hindi natatanggap sa trabaho, hindi pinagbebentahan ng bahay o lupa, o hindi pinaparahan ng taxi sa daan pag nakitang naka-hijab at may mga okasyon pa na nagiging target ng karahasan nang dahil sa pagsusuot ng hijab.

Kumpiyansa si Hataman na kung maisasabatas ang National Hijab Day ay mas magiging bukas ang lahat kung bakit nakasuot ng hijab ang mga babaeng Muslim.

Ang House Bill No. 3725, o An Act Declaring the First Day of February of Every Year as National Hijab Day and Promoting an Understanding of the Muslim Tradition of Wearing a Hijab ay naihain na noong 16th Congress ni Anak Mindanao Rep. Sitti Djalia Turabin-Hataman at noong 17th at 18th Congress ay pumasa ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara subalit hindi naman ito pumapasa sa Senado.

Umaasa si Hataman na ngayong 19th Congress ay mas magiginhg bukas ang mga mambabatas sa kahalagahan ng panukala lalo na sa mga Muslim.

“It is our aim to raise awareness and to put a stop to all sorts of discrimination, including discrimination against Muslim women. With this bill, we hope to foster deeper respect and understanding among and between Filipinos of varying cultures and faith toward national unity and peace,” pagtatapos pa ni Hataman. Gail Mendoza