National ID system bill, lalagdaan kasabay ng ceremonial signing ng BOL

National ID system bill, lalagdaan kasabay ng ceremonial signing ng BOL

August 6, 2018 @ 11:20 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Itataon sa ceremonial signing ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ang gagawing paglagda ngayon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa batas para sa national ID system.

Ang inaasahang paglagda ng Chief Executive ay magaganap sa Rizal Hall sa Malakanyang.

Layunin ng batas na magbigay ng isang identification card (ID) o isang pagkakakilalan para sa lahat ng mamamayan dahil sa kasalukuyan ay maraming ID ang kinakailangan para sa mga serbisyo ng gobyerno.

Sa ilalim ng national ID law, isang ID na lamang ang gagamitin sa lahat ng transaksyon at magbibigay ito ng proteksyon sa publiko laban sa terorismo at iba pang banta sa seguridad.

Sa pamamagitan ng National ID ay matutuldukan na rin nito ang red tape.

Nakapaloob sa ID ang buong pangalan ng mamamayan, kasarian, blood type, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, address, marital status, larawan at ang identification system number.

Naratipikahan na ng Kongreso ang panukala noon pang Mayo.

Tinatayang aabot sa P30 bilyon ang magiging gastos para mabigyan ng national ID ang lahat ng Filipino. Kris Jose