National ID System, ratipikado na sa Kamara

National ID System, ratipikado na sa Kamara

May 31, 2018 @ 9:31 AM 4 years ago


Ratipikado na ng Kamara ang Philippine Identification System Act o mas kilala bilang National ID System.

Ito ay agad na ipadadala sa Malakanyang para mapirmahan ni Pangulong Duterte upang ganap na maging batas.

Ang Philippine Identification Act ay inaasahang magiging malaking tulong upang maging seamless ang delivery ng serbisyo sa publiko , mas magiging maayos ang administrative governance, makakabawas sa katiwalian at bureaucratic red tape, makakatulong para masawata ang mga iligal na transaksyon at mapapabilis pa ang proseso ng transaksyon sa mga ahensiya o sangay ng gobyerno.

Mapapadali rin nito ang pagtukoy sa mga krimen at sa mga nasa likod nito ayon sa isa sa mga otor na si Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin.

“Ngayon po ay maisasabatas na ang National ID System that will cover all Filipino citizen whether living here in the Philippines or abroad and at the same time resident alien.  Ito po ay mandatory sa lahat ng Filipino citizen and it cover all the inhabitants of the Philippines,” ani Garbin.

Kabilang sa mga impormasyon na nakapaloob sa ID ay ang buong pangalan, kasarian, kapanganakan, lugar ng kapanganakan, blood type, marital status (optional), address, Filipino o resident alien, mobile number (optional), e-mail address (optional).

Ito din ay kabibilangan ng picture ng holder, full set fingerprints at iris scan.

Ayon sa kongresista, limang daliri ang kailangan sa fingerprint dahil ang index at ang thumb fingerprint ay unique lamang hanggang sa 25 milyong katao ang lalabis dito ay hindi na unique kaya kailangan ang limang daliri.

Ipinaliwanag ni Garbin na ang isang Pilipino kapag bagong panganak ay mayroon na itong national ID ngunit kailangang baguhin kapag nasa tamang edad na o 18 taong gulang.

Ito aniya ay libre kahit sa renewal ngunit magkakaroon lamang ng bayad kapag ito ay naiwala at muli kang kukuha ng panibagong ID.

Pangunahing dahilan aniya ng biometrics at iris scan upang hindi basta-basta ma-hack o iligal na makuha ang mga impormasyon.

May kaukulang kaparusahan para sa sinumang mag-iisyu ng data o impormasyon ng walang pahintulot ng registered person o utos ng korte at “due to public order and safety.” (Meliza Maluntag)