National team Creamline isasabak sa 2022 Asean Grand Prix

National team Creamline isasabak sa 2022 Asean Grand Prix

August 30, 2022 @ 3:44 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling maghahanda ang Creamline Cool Smashers pagkatapos ng maikling pahinga  dahil nakatakda nilang katawanin muli ang Pilipinas sa international stage.

Matapos masungkit ang ika-anim na puwesto sa Asian Volleyball Confederation Cup for Women, ang Cool Smashers ay sasabak sa 2022 Asean Grand Prix na itinakda sa Setyembre 9 hanggang 11 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

“‘Yun ‘yung sabi ng management sa amin maglalaro kami sa Asean Grand Prix. We have two days break then balik na kami sa ensayo. Hopefully madala namin yung exposure dito going to Thailand,” ani coach Sherwin Meneses.

Makakalaban ng Pilipinas ang mga kapitbahay sa Southeast Asia na Vietnam, Indonesia at ang SEA Games gold medalists at AVC Cup third placer Thailand.

Hindi pa sigurado kung makakalaro sa koponan ang kanilang captain na si Alyssa Valdez. Na-miss ni Valdez ang stint ng Pilipinas sa AVC Cup for Women matapos magkaroon ng dengue ilang araw bago ang opener.

“Hopefully makabalik siya [at] fast recovery niya. Syempre iba naman talaga yung may Alyssa ka sa team. Pero syempre yung health niya yung concern namin kung makakabalik siya. Let us know na lang sa mga susunod na araw,” ani Meneses.

Bago maglaro sa continental tournament, ang Cool Smashers ay nagkaroon lamang ng isang linggong pahinga matapos masungkit ang Premier Volleyball League Invitational Conference.

Ngunit ang limang beses na kampeon sa PVL ay hindi nag-aaksaya ng anumang pagkakataon upang kumatawan sa bandila at bansa.

“Kami sa team ng Creamline-Philippines, sobrang saya at nabigyan kami ng opportunity sa tournament na to. Hopefully, ma-improve natin yung highest level naman sa tournament na sasalihan ng Pilipinas,” wika ni Meneses.JC