National Traffic Enforcement Management Center, lilikhain ni Gatchalian

National Traffic Enforcement Management Center, lilikhain ni Gatchalian

December 21, 2022 @ 5:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian ang pagtatatag ng isang pambansang traffic enforcement at management center para sa isang mahusay na pamamahala ng trapiko at patakaran sa kaligtasan sa kalsada.

“Mahalaga na meron tayong maayos na sistema ng traffic management sa bansa para sa kaligtasan ng mga motorista at mga pasahero at para sa maayos na daloy ng trapiko sa mga kalsada lalo na tuwing kapaskuhan at dagsa ang mga tao sa tuwing may mall sale,” ani Gatchalian.

Ang Senate Bill No. 1059 o An Act Establishing the National Traffic Enforcement and Management Center (Traffic Center) na panukala ni Gatchalian ay naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga traffic enforcer sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagsasanay sa lahat ng larangan ng pamamahala ng trapiko kabilang ang traffic engineering, kaligtasan sa kalsada, aksidente, pagsisiyasat, pagsasanay sa pagmamaneho, post-accident management, at pag-unawa sa mga paglabag.

Ang iminungkahing traffic center, na ikakabit sa Department of Transportation (DOTr), ay magiging pangunahing training center para sa lahat ng traffic enforcement personnel sa bansa. Nangangahulugan ito na kailangan ang isang sertipikasyon mula sa naturang center para sa deputization ng traffic enforcement personnel ng local government units.

“Ang isang properly-trained na traffic personnel na dumaan sa sinasabing best practices sa pagpapatupad ng batas trapiko ay magbibigay kasiguruhan ng kaligtasan sa kalsada para sa publiko, lalo na sa mga motorista at pedestrian, at mas mahusay na sistema ng trapiko,” sabi ni Gatchalian, na nagbigay-diin na ang mga traffic enforcer ay may malaking papel sa pagpapanatili ng kaayusan ng publiko at kaligtasan sa kalsada.

Ang panukalang batas ay naglalayon ding magpatupad ng road safety audits sa mga highway, mga proyektong may kinalaman sa transportasyon, at sa pamamahala ng trapiko upang matukoy ang mga panganib sa kalsada.

Layon din ng naturang panukala na sanayin ang publiko sa mga pangunahing kaalaman sa mga batas trapiko, tamang edukasyon at asal para sa mga drivers, kalagayan ng mga kalsada at pagpapatupad ng batas, at mga sanhi at panganib na humahantong sa mga aksidente sa kalsada.

Nais din ni Gatchalian na sa pamamagitan ng kanyang panukalang “Traffic Center”, makakapagsaliksik ng mga sanhi at bunga ng mga banggaan at aksidente sa kalsada gayundin ang paghahanda ng mga epektibong sistema para sa kanilang mga pagsusuri upang makapagbigay ng mga solusyon. Ernie Reyes