National, uniform guidelines sa NCAP buuin – solon

National, uniform guidelines sa NCAP buuin – solon

February 24, 2023 @ 9:57 AM 1 month ago


MANILA – Hinimok ng isang pinuno ng House of Representatives ang Malacañang na tingnan ang pagbuo ng unipormado o iisang guidelines para sa pagpapatupad ng no-contact apprehension policy (NCAP) sa pambansang antas.

Ginawa ni Deputy Speaker Ralph Recto ang pahayag bilang reaksyon sa posibleng pagbabalik ng NCAP sa Abril matapos na tapalan ng temporary restraining order (TRO) noong nakaraang taon.

Gumagamit ang patakaran ng mga closed-circuit television camera (CCTV), mga digital camera, at/o iba pang gadget o teknolohiya para kumuha ng mga video at larawan ng mga lumalabag sa batas-trapiko.

“Mainam siguro kung iutos ng Malacañang ang isang pag-aaral na ang layunin ay bumalangkas ng isang national policy guidelines sa programang ito. Crowdsource the ideas, canvass the best practices, and cure it of its weaknesses,” sabi ni Recto.

Binigyang-diin din niya na kahit na alisin ang mga hudisyal na hadlang sa kalsada, hindi dapat ipagpatuloy ang NCAP hangga’t hindi nagsasagawa ng malawakang konsultasyon.

“The national government must look under NCAP’s hood and tweak and treat the program of its defects. Para kung ibabalik man, walang malawakang reklamo na ang hulicam ay parang hulidap,” aniya.

“In principle, I agree that CCTVs could be a tool to enhance traffic enforcement, to impose rules – that should be the only motivation, and never to raise revenues,” aniya pa. RNT