Nationwide earthquake drill, matagumpay!

Nationwide earthquake drill, matagumpay!

September 8, 2022 @ 6:51 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinasalamatan ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko sa naging partisipasyon sa third quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED), tampok ang face-to-face exercises para sa kauna-unahang pagkakataon simula ng sumipa ang coronavirus pandemic noong Marso 2020.

“Maraming salamat sa inyong pakikiisa sa third quarter NSED. Mag-sama-sama tayo ulit sa fourth quarter NSED sa ika-11 ng Nobyembre para sa ating patuloy na pagpapatibay ng kahandaan laban sa lindol dahil ligtas at#BidaAngHanda!,” ang nakasaad sa post ng OCD sa kanilang Facebook page.

Hinikayat naman nito ang mga stakeholders na magsagawa ng sabay-sabay na drills bilang suporta sa NSED habang mahigpit na sinusunod ang minimum public health standards.

Nagsimula ang programa alas- 8 ng umaga na may ceremonial pressing ng “button” na idinaos sa Macea Building sa Legazpi Village, Makati City.

Nagsagawa rin ng full-scale exercise para i-test ang response capabilities ng Makati City government unit sa pagkakataon na may 7.2 magnitude earthquake.

Kabilang sa mga senaryo ay ang community evacuation, muling pagbuhay sa incident command post, fire suppression, search at rescue sa collapsed structures, pagtugon sa mass casualty incidents, at high-angle rescue.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni OCD Administrator Undersecretary Raymundo Ferrer na ang drills ay mahalaga upang magligtas ng buhay sa mga pagkakataon na may malakas na paglindol.

“Binabati at pinapasalamatan ko lahat ng mga kababayan natin na nag-duck, cover and hold bilang pakikiisa sa ating ikatlong NSED para sa taong 2022,” ayon kay Ferrer sa isang kalatas.

Si Ferrer, isa ring executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ay nagpasalamat sa lahat ng DRRM councils, OCD regional officers, national government agencies, local government units, universities at schools, stakeholders, at mga kaibigan mula sa pribadong sektor , partner organization, at maging sa mga nag-monitor sa third quarter NSED sa Civil Defense at NDRRMC Facebook at Youtube pages.

Sinabi ng OCD chief na ang kanilang NSED initiatives ay magpapatuloy dahil isa ito sa maraming aktibidad upang makatulong na mapalakas ang paghahanda ng mga Filipino sa oras na maharap sa lindol at iba pang kalamidad.

Ito aniya ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang NSED kahit pa ang bansa ay nasa gitna ng Covid-19 pandemic at iba pang natural calamities.

“Hindi titigil ang NDRRMC sa pagsasagawa ng mga programa at aktibidad na ganito dahil hindi rin nawawala ang mga banta ng kalamidad sa atin lipunan ,” ayon kay Ferrer. Kris Jose