Nationwide earthquake drill para sa ‘Big One’ kasado sa March 9 – OCD

Nationwide earthquake drill para sa ‘Big One’ kasado sa March 9 – OCD

February 27, 2023 @ 10:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Magsasagawa ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa March 9 para tulungan ang publiko sa paghahanda para sa posibleng malakas na lindol, o “The Big One,” na maaaring tumama sa Pilipinas, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo.

Inihayag ni OCD Joint Information Center head Diego Mariano na ikakasa ang NSED kada quarter, kung saan aarangkada ang first leg ngayong taon sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

“Magkakaron tayo ng naturang ceremonial sounding of the buzzer kung saan magiging signal para tayo ay mag-conduct ng duck, cover, and hold. Ito ay napakasimpleng protocol pero ito ay nakakapagligtas or makakapag-minimize ng injuries at casualties kung sakaling may tumamang malakas na lindol,” pahayag niya.

Bukod dito, sinabi ni Mariano na magsasanay din ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahenya ng tabletop exercise para sa decision-making scenarios sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

Kasunod ng magnitude 7.8 earthquake na tumama sa Turkey at Syria noong February 6, inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naghahanda ito para sa The Big One sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga seminar at lecture sa disaster preparedness at pag-organisa ng posibleng deployment ng urban search at rescue teams.

Nauna nang nagpadala ang Pilipinas ng 82-man inter-agency humanitarian contingent sa Turkey para tumulong sa paghahanap sa survivors ng lindol. Nakatakda silang dumating sa Pilipinas sa Miyerkules. RNT/SA