Nationwide price freeze, paso na; SRP, epektibong muli

Nationwide price freeze, paso na; SRP, epektibong muli

July 14, 2021 @ 7:50 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang manufacturers, retailers, distributors at consumers sa muling pag-iral ng suggested retail price (SRP) ng mga bilihin base sa inilabas na listahan ng ahensya noong September 30, 2019.

Ito ay makaraang mapaso na ang nationwide price freeze sa mga pangunahing bilihin noong Hulyo 9.

Alinsunod sa Proclamation No. 1143, inilagay sa automatic price control ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa African Swine Fever (ASF) outbreak.

Tumagal ito ng 60 araw, mula May 10 hanggang July 9.

“Though the price freeze on basic necessities will be lifted, the DTI assures the consuming public of continuing and constant communication with the manufacturers and retailers of these goods to ensure that their prices are reasonable and that supply is stable and available in the market,” saad ni DTI Usec. Ruth Castelo.

Kabilang sa mga produktong itinuturing na basic necessities ay ang mga de latang sardinas, luncheon meat, meatloaf, beef loaf, corned beef, processed milk, kape, tinapay, locally manufactured instant noodles, asin, detergent o laundry soap, toilet soap, bottled water, kandila at mga condiments gaya ng suka, toyo at patis.

Kasabay ng pag-aalis ng price freeze, tiniyak naman ng DTI na mahigpit na imo-monitor ng kanilang Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ang presyo ng mga bilihin para masigurong sumusunod sa SRP ang mga business establishment.

Sa ilalim ng Price Act, sinumang mahuhuling nagmamanipula ng presyo ay makukulong ng lima hanggang 15 taon at pagmumultahin ng P5,000 hanggang P2 milyon. RNT