NATIRANG ULAM IPAMAHAGI SA NAGUGUTOM IMBES NA ITAPON

NATIRANG ULAM IPAMAHAGI SA NAGUGUTOM IMBES NA ITAPON

March 8, 2023 @ 12:12 AM 2 weeks ago


May kirot din ba sa inyong puso sa tuwing makababalita tayo ng mga produktong agrikultura na itinatapon na lamang sa mga gilid ng daanan partikular sa Cordillera Administrative Region na  pinagmumulan ng gulay na ibinababa sa Metro Manila o mga produktong dagat sa mga coastal municipalities.

Umaabot kasi sa 44% ang mga nasasayang na iba’t ibang klase ng gulay sa tuwing anihan, habang tone-toneladang isda at iba pang produkto mula sa dagat ang nasasayang.

Ito ay sa kabila ng katotohanan na nasa mahigit 5.6 million na pamilya ang salat sa pagkain o nakararanas ng gutom.

Kaya naman ang DOST o ang Department of Science and Technology ay nag-isip ng mga inobasyon para hindi ito masayang.

Ilan sa mga nagawa ng Kagawaran ay ang:

* Chichamatis o ang tomato crisp; Tomango o tomato-mango juice; Pinindot-to-go o ready-to-eat bilo-bilo;  Powdered instant soy milk tea; Smoked coconut milk powder; Ginger puree; Soymilk with corn grits;  Wombok powder; Tomato-pineapple powder; Pickled seaweed; Crab sauce powder; Calamansi-lagundi powder; Tuna congee; Mixed fruit chips; at Chevon sausage
* Colored sweet potato flour na puwedeng pamalit sa nagmahal na arina;

Mayroong 31 innovations ang DOST na nais nilang ituro sa mga nais na magnegosyo. Kasama sa mga nag-isip ang Industrial Technology Development Institute; at ang Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development.

Magandang balita.

Pero maliban sa mga hilaw pang gulay, isda, karne at iba pa, alam n’yo bang umaabot sa higit-kumulang 2,000 tons o 2 million kilograms ang nasasayang na luto o gawang pagkain sa National Capital Region pa lamang.

Bagama’t may mga negosyong nagpapatuloy sa kanilang business policy na bawal ipamahagi ang kanilang mga tirang pagkain, maraming negosyo na rin ang ginawa itong CSR o corporate social responsibility na imbes na itapon ay dinadala sa mga lugar na may makikinabang pa sa mga ito. Isa itong makataong hakbangin.

May magagawa rin tayo sa ating mga tahanan o kung kakain tayo sa labas. Kung sobra ang nailutong ulam, ipamahagi ito sa mga nasa lansangan pero tiyakin na malinis at maayos pa ang ito, at huwag takaw-mata lamang na hindi nag-uubos ng kinuhang pagkain, marami ang nagugutom sa ating bansa at sa buong mundo.

Ginagawa ito ng mga      taong may malasakit sa         kapwa-tao dahil ang magkaroon ng pagkain ay isang pagpapala sa bawat araw.