Naulit na COVID, mas mapanganib

Naulit na COVID, mas mapanganib

November 11, 2022 @ 9:49 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Mas nanganganib sa pagkamatay, pagkaospital at mas malalang health issues ang mga pasyenteng tinamaan ulit ng COVID-19 kumpara sa unang beses na nagkaroon sila nito.

Ito ay lumitaw sa pag-aaral ng mga eksperto na inilabas nitong Huwebes, Nobyembre 10.

“Reinfection with COVID-19 increases the risk of both acute outcomes and long COVID,” sinabi ni Dr. Ziyad Al-Aly ng Washington University School of Medicine in St. Louis.

“This was evident in unvaccinated, vaccinated and boosted people,” dagdag pa niya.

Ang pagkatuklas na ito ay batay sa datos ng US Department of Veterans Affairs (VA) na nakolekta mula Marso 1, 2020 hanggang Abril 6, 2022 sa 443,588 na pasyente na tinamaan ng COVID-19 sa unang pagkakataon at 40,947 pasyente na tinamaan nito sa ikalawa o higit pang pagkakataon.

Dagdag pa, mayroon din na 5.3 milyon indibidwal ang isinalang sa pag-aaral kahit hindi pa sila nagkakaroon ng ganitong sakit.

Sa pag-aaral, lumitaw na dumoble ang banta ng kamatayan sa reinfected patients samantala triple naman ang panganib ng pagkaospital sa mga ito.

Mas tumaas din umano ang panganib sa mga problema sa baga, puso, dugo, atay, diabetes, mental health, bone and muscles at neurological disorder.

“Even if one had prior infection and was vaccinated – meaning they had double immunity from prior infection plus vaccines – they are still susceptible to adverse outcomes upon reinfection,” sinabi pa ni Al-Aly na naguna sa pag-aaral.

Mas mataas din umano ang tsansa na magkaroon ng lung problems ang mga taong paulit-ulit nang tinamaan ng COVID-19.

Nilinaw naman ng mga eksperto na ang pag-aaral sa VA population ay hindi sumasalamin sa general population dahil ang mga pasyente nito ay karaniwang matatanda na at may mga iniinda nang sakit sa katawan. RNT/JGC