Navotas nanguna sa National Immunization Program

Navotas nanguna sa National Immunization Program

October 20, 2022 @ 2:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tumanggap ng pagkilala ang lokal na pamahalaang lungsod ng Navotas mula sa Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa tinamong tagumpay sa implementasyon ng National Immunization Program.

Tinanggap ni Acting Navotas City Health Officer, Dr. Eric C. Caseñas, ang parangal sa ginanap na DOH-MMCHD 35th Founding Anniversary celebration sa Manila Hotel.

Ang Navotas ay nananatiling top performer sa mga local government units sa Metro Manila sa larangan ng immunization against vaccine-preventable diseases at taong 2021 ang lungsod ay nagkamit ng 101.11% para sa Measles-Rubella Supplementary Immunization Activity (MR-SIA).

Nalampasan rin nito ang target sa Measles-Rubella-Tetanus-Diphtheria Community-Based Immunization (MR-Td-CBI) sa parehong taon na may 129.76% inoculation rate sa Measles-Rubella at 124.64% sa Tetanus-Diphtheria.

Pinasalamatan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang City Health Office personnel sa kanilang dedikasyon pagdating sa serbisyo para sa mga batang Navoteño.

“This award reflects our steadfast commitment to deliver to our constituents the best health care services available for them,” ani Mayor Tiangco.

Noong buwan ng Hunyo, tumanggap ang Navotas ng certificate of recognition mula sa DOH para sa tagumpay ng kampanya ng Chikiting Bakunation Days at nakapagbakuna ang lungsod ng 929 bata edad 0-23 months na 115.12% mas mataas sa unang target.

Tumanggap naman ang National Immunization Program ng P150,000 cash grant na gagamitin para sa medikal at health services sa lungsod ng Navotas. R.A Marquez