Nawasak na kabahayan kay ‘Karding’, sumampa sa 59K – NDRRMC

Nawasak na kabahayan kay ‘Karding’, sumampa sa 59K – NDRRMC

October 3, 2022 @ 11:38 AM 6 months ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa 58,944  kabahayan sa limang rehiyon ang nawasak ng bagyong Karding matapos na manalasa ito sa Luzon noong nakaraang linggo.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa nasabing bilang ay  51,600 ay  classified bilang partially damaged habang 7,344 ay  nasa category bilang totally damaged.

Ang mga kabahayan na ito ay matatagpuan sa  Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Samantala, ang bilang ng pamilya na naapektuhan ng bagyong Karding ay 299,127 o 1,072,282 indibiduwal sa 1,915 barangay sa  Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at sa  CAR.

Sa ngayon, tanging 806 pamilya o 3,044  katao ang nananatiling nanunuluyan sa  25 evacuation centers habang ang iba naman ay bumalik na sa kani-kanilang bahay o nakikituloy sa kanilang kamag-anak o kaya naman ay sa kaibigan.

Sa kabilang dako, umabot naman sa P304 milyong piso ang pinsala sa imprastraktura  sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, at  CAR.

Ang pinsala naman sa agrikultura ay umabot sa P3.05 bilyong piso sa  Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Cordillera.

Ang bilang ng mga namatay ay nananatiling nasa 12 habang lima naman ang nawawala at  52 ang sugatan.

Sa mga oras na ito ay  nananatiling sumasailalim sa beripikasyon ang mayorya ng mga nasawi. Kris Jose