Nawawalang Cessna plane sa Isabela, isang buwan nang hinahanap

Nawawalang Cessna plane sa Isabela, isang buwan nang hinahanap

February 24, 2023 @ 5:33 PM 1 month ago


ISABELA – Isang buwan nang bigong mahanap ng mga search and rescue team ang nawawala pa ring Cessna 206 plane.

Ayon kay Col. Sadiri Tabutol, hindi nakapagsagawa ng aerial search ang TOG 2 dahil sa masamang lagay ng panahon at makakapal na punong kahoy.

Lumipad lang aniya ang kanilang helicopter kahapon, Pebrero 23, sa bayan ng Divilacan para maghatid ng supply ng mga pagkain mula sa DSWD na ibibigay para sa mga nagsasagawa ng ground search sa nawawalang eroplano.

Inamin ng search and rescue team na pahirapan pa rin ang kanilang paghahanap dahil natatakpan ng mga makakapal na punong-kahoy ang kanilang ginagalugad na bahagi ng Sierra Madre.

Halos naikutan na rin ng aerial search team ang mga lugar na may signal na posibleng kinaroroonan ng eroplano pero hanggang sa kasalukuyan ay bigo pa rin ang grupo na mahanap ito.

Samantala, ipagpapatuloy pa rin ang kanilang aerial search sakaling gumanda muli ang lagay ng panahon pero ang mga nasa ground ay patuloy ang kanilang paggalugad sa nawawalang eroplano. Rey Velasco