Nawawalang mangingisda, natagpuang patay sa Sorsogon

Nawawalang mangingisda, natagpuang patay sa Sorsogon

December 27, 2022 @ 5:37 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Lumutang na ang wala nang buhay na katawan ng nawawalang mangingisda mula Catanduanes sa dagat na sakop ng Matnog, Sorsogon nitong Lunes, Disyembre 26.

Sa panayam kay Mark Joseph Matira, head of operations ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Virac, kinilala ang mangingisda na si Noel Zafe, 58-anyos na nakita sa baybayin ng Barangay Paghuliran bandang alas-12 ng tanghali.

Si Zafe ang isa sa limang mangingisda na hindi na nakauwi ng kanilang tirahan noong bisperas ng Pasko matapos mangisda.

Maliban dito, nakita na rin ang bangkay ng isa pang mangingisda na si Arnel Araojo, 43-anyos, sa baybayin ng Barangay Calanaga sa Rapu-Rapu, Albay.

Ani Matira, nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa tatlo pang nawawalang mangingisda na sina Dante David, 41; Domingo Borilla Jr., 33; at Jason Mandasoc, 31.

Patuloy din ang paghahanap sa mga nawawalang mangingisda mula sa bayan ng Viga, Catanduanes na kinilalang sina
Ringo Tupig, 37; Willy Uchi, 35; Jobert Teaño, 33; at Juanito Estrella Jr., 51.

Ang mga ito ay nangisda naman noong Disyembre 21 sakay ng motorized banca at inaasahan sanang uuwi noong Disyembre 23 ngunit hindi na nagawa ng mga ito na makabalik pa. RNT/JGC