NAWA’Y MAGING MERRY ANG CHRISTMAS 2021

NAWA’Y MAGING MERRY ANG CHRISTMAS 2021

October 15, 2021 @ 7:21 PM 1 month ago


DAHIL sa malaking pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, may mga ekspertong nagsasabing mukhang maligaya ang magiging selebrasyon ng darating na Kapaskuhan.

Hindi naman ibig sabihin nito ns dapat na tayong magpakampante at balewalain na lamang ang health and safety protocol dahil nananatiling nariyan sa paligid ang nakahahawang sakit.

Nagpapahiwatig lamang ang pahayag na ito ng mga eksperto na kahit paano’y mas maluwag na maipagdiriwang ang Kapaskuhan ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon.

Marami na rin ang nagpapahayag ng pagsang-ayon na ibaba na sa Alert Level 3 mula sa level 4 ang quarantine status ng Metro Manila sa Oktubre 16.

Ito’y kaugnay pa rin ng pagbaba ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa pamamagitan ng hakbang na ito, mas magkakaroon ng pagkakataon ang ilang business establishment na makabawi mula sa lampas isang taon nang pagkalugi.

Tinatamasa na ng Metro Manila ang magandang epekto ng bakuna bilang rehiyon sa bansa na may pinakamataas na bilang ng mga bakunadong indibidwal sa kasalukuyan.

Habang patuloy naman ang paggulong ng national vaccination program ng pamahalaan,  inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga fully vaccinated saanmang sulok ng bansa — bagay na malaki ang epekto sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19.

Bilang rehiyon na nakaranas ng ilang beses na surges ng COVID-19 cases, sana nama’y natuto na ang Metro Manileño mula sa hindi magandang karanasang iyon at nawa’y mulat na tayo sa patuloy na pag-iingat upang iwasan ang hawaan sa nasabing sakit.