NBA may COVID-19 outbreak

NBA may COVID-19 outbreak

December 14, 2021 @ 10:50 AM 10 months ago


MANILA, Philippines –Hindi muna itinuloy ng NBA ang dalawang paparating na laro ng Chicago Bulls dahil sa nararanasan ngayon ng  team na  coronavirus outbreak.

Ayon sa NBA, ang laban ng Chicago kontra sa Piston at sa Toronto Raptors ay kinansela dahil sa problema sa COVID-19.

Isiniwalat ng liga na sampung Bulls players ang kasalukuyang dinapuan ng COVID-19 at nasa ilalim ng health and safety protocols habang ang ilan pang staff members ay sapul din ng virus.

Dahil kailangan ang minimum na 8 players kada laro, hindi na kayang maglagay ng sapat na manlalaro ng Bulls para sa dalawa nitong laro.

Base sa ulat, si forward Alize Johnson ay pinakahuling manlalaro ng Bulls na nagpositibo sa COVID-19 noong Lunes.

Una nang pumasok sa health protocols sina DeMar DeRozan, Zach LaVine, Coby White, Troy Brown Jr., Matt Thomas, Javonte Green, Ayo Dosunmu, Derrick Jones Jr. at Stanley Johnson matapos magpositibo sa isinagawang tests.

Matatandaang noong huling season, kinansela ng NBA ang 31 games dahil sa COVID-19 at ang pagkansela sa laro ng Bulls ay ang una ngayong 2021-2022 campaign.

Ang Bulls, ang ilan sa NBA teams na may fully vaccinated roster, ay pangatlo ngayon sa Eastern Conference standings na may 17-10 record ngayon taon.Rico Navarro