NBI: Bilibid gang, nag-ambag para ipapatay si Percy Lapid

NBI: Bilibid gang, nag-ambag para ipapatay si Percy Lapid

November 8, 2022 @ 4:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagtulong-tulong na ang isang gang para pondohan ang pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Sinabi ni NBI supervising agent Eugene Javier na sa P550,000 na idineposito sa bank account ng umano’y gunman na si Joel Escorial, ang Happy Go Lucky ay nagbigay ng P200,000 bilang down payment.

Ibinigay naman umano ni BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta ang natitirang P350,000 na inilabas lamang matapos mapatay si Lapid, ayon kay Javier.

Ang mga gang ng NBP ay pinahihintulutan na magkaroon ng mga pagkakakitaan na karaniwang ginagamit upang pondohan ang mga proyekto para sa kanilang mga miyembro.

Kasama ang marami pang iba, nagsampa ng mga reklamong pagpatay ang PNP at NBI laban kay Zulueta at sa suspendidong hepe ng BuCor na si Gerald Bantag na pinaniniwalaang utak sa pagkamatay ng brodkaster.

Kaugnay nito, sinabi rin ng NBI na ang inmates na pumatay kay Jun Villamor na umano’y middleman sa pagpatay kay Lapid ay sumunod lamang sa mga utos na ibinigay sa kanila.

Ang nasabing kautusan ay galing umano kay BuCor chief Gerald Bantag at BuCor Deputy Security Office Ricardo Zulueta.

Ayon kay Javier,napaka-ironic para sa isang preso na patayin ang kapwa nito inmate.

Aniya, patunay lamang ito na hindi talaga gustong gawin ng inmate kundi inatasan lamang sila dahil sa lahat aniya ng papatay sa kanila sa NBP sa pinakahuli ay ang kakosa pa rin.

“This really gives that fact na the order to have him killed came from the office, or let’s go directly to Zulueta and Bantag,” sabi pa ni Javier.

Apat na miyembro ng Sputnik gang, kabilang sina Christian Ramac, Ricky Salgado, Ronnie dela Cruz, at Joel Reyes ay inatasan na patayin si Villamor na miyembro din ng grupo, base sa imbestigasyong isinagawa ng awtoridad.

Pero batay naman sa awtopsiya na isinagawa ni forensic pathologist Raquel Fortun lumabas na si Villamor ay namatay sa plastic bag suffocation.

Ang parehong pamamaraan ay sinabi rin ng mga Persons Deprive of Liberty o PDL na sangkot sa kaso, ayon kay Javier.

Nangyari umano ang pagpatay kay Villamor bago magtanghali matapos matanggap ng umanoy ‘Mayor’ ang kautosan na tignan ang mga inmates sa kanilang planong patumbahin si Villamor.

Nang umakyat ang apat, nasa 30 PDLs ang nasa lugar at pinababa kung saan naiwan lamang si Villamor.

“‘Papatayin niyo na ba ako? Wag niyo naman akong patayin,” sambit pa umanon ni Villamor nang lapitan siya ng mga PDLs– pero isa sa kanila ang nagsabi kay Villamor na mag-relax muna.

Kasunod nito ay umalis na ang PDLs para pag-usapan kung paano isasagawa ang kautusan.

“They came back to the cell, ‘yun na ginawa na nila ‘yun . One of them held one leg, the other one held another leg and then the biggest guy… sat on the stomach or the chest area and held the hands of Villamor,” ayon kay Javier.

“He was very calm, very docile… he didn’t even put up a fight so when he was already held by the legs and sat upon the chest, pinasok na yung plastic bag (para patayin sya) ” dagdag pa ni Javier. Jocelyn Tabangcura-Domenden