NBI inatasan na ni Remulla sa Salilig hazing slay case

NBI inatasan na ni Remulla sa Salilig hazing slay case

March 1, 2023 @ 7:04 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos na ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa National Bureau of Investigation ang pagsasagawa ng parallel investigation sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig dahil umano sa hazing.

Ayon kay Department of Justice spokesperson Mico Clavano, nais ng kagawaran na tumulong upang agad na malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng estudyante.

Inatasan ni Remulla ang NBI na agad magsumite ng report hinggil sa resulta ng kanilang imbestigasyon.

Kinondena ng DOJ ang anumang paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing law.

Hihintayin aniya ng kagawaran ang kasong isasampa sa piskalya.

Si Salilig ay dumalo lamang umano sa initiation rites ng isang fraternity sa Laguna sa araw na maiulat itong nawawala.

Ayon kay Clavano, sa sandaling may makitang sapat na ebidensya para madiin ang mga nasa likod ng pagpatay kay Salilig ay agad isusulong ng DOJ ang kaso laban sa mga suspek. Teresa Tavares