NBI magkakasa ng imbestigasyon sa pagpatay kay Percy Lapid – Remulla

NBI magkakasa ng imbestigasyon sa pagpatay kay Percy Lapid – Remulla

October 4, 2022 @ 7:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Martes na iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid na inatake ng hindi pa nakikilalang mga suspek nitong Lunes ng gabi.

“The NBI is on the case,” sabi ni Remulla.

Batay sa ulat, pinatay si Lapid sa pamamaril ng dalawang suspek sakay ng motorsiklo nitong Lunes ng gabi sa Las Piñas City.

Ang broadcaster na si Percival Mabasa, ay host ng online broadcast program na “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista ng Hataw.

Pauwi na si Lapid para magsagawa ng online broadcast nang maganap ang insidente, batay sa kanyang kaanak.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police na bumuo rin ng special investigation task force upang imbestigahan ang fatal shooting.

Labis naman ang pighati at galit ng naiwang pamilya ng biktima na tinawag nilang “brutal and brazen.” RNT/SA