NBI nag-sorry sa media sa nangyari sa anti-drug ops

NBI nag-sorry sa media sa nangyari sa anti-drug ops

March 17, 2023 @ 6:11 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga miyembro ng media hinggil sa nangyaring insidente sa isang drug operation sa Roxas Blvd Biyernes ng madaling araw, Marso 17.

“The National Bureau of Investigation offers its apology to the members of the media regarding the incident that transpired at dawn today involving the drug operation in Roxas Boulevard,” ayon sa inilabas na pahayag nitong Biyernes ng hapon.

Nagkasa umano ng anti-drug operation ang NBI sa may Roxas Blvd. sa siyudad ng Pasay na nirespondehan naman ng media upang magkober bilang bahagi ng kanilang trabaho na iparating sa publiko ang pangyayari.

Habang nagsasagawa ng imbentaryo sa mga nakumpiskang iligal na droga, kinailangan ng NBI na magpapirma sa miyembro ng media na bahagi ng protocols sa mga operasyon.

Ngunit dahil hindi nasaksihan ang aktuwal na operasyon, wala sa mga mamamahayag ang pumirma.

Dito na tila nangharass ang isang operatiba sa isang television reporter at sinabihan itong ‘bading’ habang isang radio reporter naman ang kinunan ng litrato ang kaniyang media ID, habang naglilitanya.

Ang insidente ay agad nakarating kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nang banggitin ng isang radio host sa isang panayam.

“While we try to observe standard operating procedures, given the technicalities in the conduct of field operations, the actions of some of our agents may have offended some media members,” ayon pa sa NBI.

Ngunit ayon sa mga mamamahayag na nabastos, maaari naman umano silang pumirma kung kinakailangan basta maayos ang pakikitungo sa kanila at hindi sila binabastos.

Tiniyak naman ng NBI na gagawa sila ng hakbang para hindi na muling maulit ang pangyayari at sinabing pinahahalagahan nila ang papel ng media sa mga anti-drug operations at ipagpapatuloy ang propesyunal na pagtrato sa kanila. Jocelyn Tabangcura-Domenden