NBI, PACC kinalampag sa minadyik na ayuda sa Pandi, Bulacan

NBI, PACC kinalampag sa minadyik na ayuda sa Pandi, Bulacan

April 18, 2022 @ 4:29 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaalma ang ilang Livelihood Assistance Grant beneficiaries sa Pandi, Bulacan matapos malaman na hanggang sa ngayon ay wala pa rin kasong naisasampa ang National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Corruption Commission laban sa mga nasa likod ng pangungulimbat ng P5,000 hangang P10,000 ayuda noong panahon ng pandemya.

Napag-alaman na ang 13 sa mga nagsipaghain ng reklamo sa PACC hinggil sa sapilitang pagkaltas sa kanila ng ayuda ng Magic 7 Cooperative ay nagsisipagtago dahil sa banta sa kanilang mga buhay.

Reklamo nila na buwan pa ng Setyembre 2021 nang maghain sila ng reklamo ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naisasampa ang reklamo laban sa pamunuan ng Magic 7 Cooperative at sa Pandi LGU na tila tinutulugan na umano ng NBI at PACC ang kanilang reklamo.

Nababahala rin ang LAG complainants na tuluyan nang hindi sila makakuha ng katarungan sa reklamo sa kinaltas na ayuda dahil nasa mahigit dalawang buwan na lang ay bababa na sa pwesto si Pangulong Duterte at posibleng wala na rin ang PACC na nasa ilalim ng Executive Order No. 43.

Tinatayang ‘di bababa sa P52M ang natangay na pera ng beneficiaries na sapilitang kinaltasan ng P5000 hanggang P10,000 dahil sa pananakot ng isang mataas na opisyal ng bayan na hinimok ang mga residente na kung hindi nila ilalagak ang pera sa Magic 7 Cooperative ay iimbestigahan ang kanilang paggastos ng LAG at matatanggal na ang kanilang pangalan sa opisyal na listahan ng Pandi MSWD.

Sa ngayon, nagmamakaawa na ang lumagda ng reklamo noong Agosto 20, 2021 sa isang sinumpaang ‘Joint Complaint’ na hinain sa tanggapan ng PACC.

Bumuo ng Task Force LAG ang PACC kasama ang NBI at nagsagawa ng imbestigasyon simula pa nuong Setyembre.

Nababahala rin ang mga complainant sa umugong na umano’y inaareglo na ang NBI-Bulacan kaya’t inuupuan na ang kaso sa kabila ng kahirapan na dinadanas ng 5 mataas na core leaders ng complainants na nagtatago na simula pa nuong Agosto.

Lalo rin nabahala ang mga complainant nang ipahayag ni PACC chairman Fortunato Guerrero na hindi nila lubusang maapura ang NBI na maglabas ng kaukulang ‘Report’ para maisampa ang kaso dahil isang pribadong entity ang Magic 7 Coop.

Anila, ang paglustay ng LAG na ayuda ay public funds kaya kahit pribadong tao o taga-gobyerno pa ang nagbulsa nito ay pwedeng kasuhan impunto ng PACC dahil direkta mula sa pangulo ang mandato ng kanilang opisina. RNT