NCAP ‘di suspendido sa QC

NCAP ‘di suspendido sa QC

August 11, 2022 @ 4:54 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ng Quezon City Government na tuloy ang implementasyon at hindi sinususpindi ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) ng lokal na pamahalaan.

Sa press statement ng Public Affairs and Information Services Department (PAISD) ng Quezon City sinabi nitong bagama’t nakikipag-usap ang QC government sa Land Transportation Office (LTO) para resolbahin ang mga isyu hinggil sa hinihiling na suspensyon ng ilang stakeholders sa No Contact Aprrehension Program (NCAP).

Ayon sa QC government nakikipag-usap din ang lokal na pamahalaan sa iba pang mga yunit ng lokal na pamahalaan na may katulad na programa, patungkol sa magkakatulad na parusa sa ilalim ng NCAP.

Nauna rito hiniling ni Land Transportation Office (LTO) Chief Teofilo Guadiz, sa mga local government units (LGUs) na kailangan munang suspendihin ang NCAP hangga’t wala pang malinaw na panuntunan.

Sinabi ni Guadiz na maraming natatanggap na reklamo ang LTO mula sa mga operator ng mga pampasaherong sasakyan na sila ang naoobligang magbayad ng multa sa paglabag sa batas trapiko ng kanilang driver.

Kaugnay nito sinabi ng QC government na bilang bahagi ng 14-point agenda, patuloy na nakikinig ang lokal na pamahalaan sa mga sentimyento at alalahanin ng QCitizens, at ang kanilang mga boses ay dinidinig at isinasaalang-alang habang pinapahusay ng QC government ang NCAP.

Ayon pa sa QC government bagama’t kinikilala nito ang patuloy na mga talakayan at pinakikinggan ang boses ng publiko hinggil sa naturang usapin sinabi nito na hindi sinisuspindi ang NCAP sa Quezon City.

Sinabi pa ng lokal na pamahalaan ng QC na nais nilang bigyang-diin na ang mga motorista ay hindi kailangang mag-alala tungkol sa hindi patas na pagpataw ng mga parusa, dahil ang Quezon City NCAP ordinance ay nagtatadhana ng isang adjudication board kung saan ang mga paglabag na nakunan sa video ay maaaring kwestyunin. Sa ganitong mga kaso, Kung ang mga reklamo ay napatunayang makatwiran, ang mga parusa ay aalisin. Santi Celario