NCAP, SALOT NGA BA?

NCAP, SALOT NGA BA?

January 28, 2023 @ 11:17 AM 2 months ago


ANO ba talaga itong Non-Contact Apprehension Policy?

May biktima rin palang mga Hukom sa sistemang ito na umano’y magaling sa pagdidisiplina sa mga “ungas” at “kamoteng” tsuper.

May nagsabi namang kwestiyunable ang sapilitang pagbabayad muna ng multa bago ang pagsasampa ng kaso laban maling panghuhuli sa NCAP.

Sabi naman ng isa, pinayayaman ng NCAP ang local government units at sinasairan nito ng laman ng bulsa ang mga tsuper at may-ari ng mga sasakyan.

Sarili naman nating karanasan ang sobrang bilis  nang pagpapalit ng mga ilaw na red na stop at green na go at halos walang yellow na traffic light kaya mahuhuli at mahuhuli ka sa mga crossing.

Napakarami ring hukay at panghuhulidap ng mga pulis at traffic enforcer na nagpapabagal sa trapiko at walang patawad ang NCAP sa pagpapamulta.

Kahit ang mga biglang nagpre⁰0preno at nakaaapak sa pedestrian lane dahil sa mga disgrasya at depektibong traffic light, hindi rin pinatatawad ng NCAP.

Ang mga sasakyang nagbibigay-raan sa mga may sakay na emergency o respondeng emergency na ambulansya, pulis, bumbero at taksi hindi rin pinatatawad ng NCAP.

Wala rin patawad ang NCAP sa mga daang wala o kulang sa traffic signs.

Sa madaling salita, mga Bro, nagmumukhang pera-pera ang NCAP sa parte ng  LGUs  at kanilang NCAP system provider kahit labis na nakapeperwisyo sa mga motorista.

Totoo, mga Brad, na may mga ungas at kamoteng tsuper subalit napakarami ang mga kaso na dapat litisin muna bago ideklarang nagkasala sa paglabag sa batas-trapiko ang isang tsuper o may-ari ng sasakyan saka pagmultahin.

Ang siste, sapilitang pinagmumulta nga muna ang tsuper o may-ari ng sasakyan bago makapagsampa ng reklamo.

At kung magsampa man sila ng kaso, baka kulang pa ang halaga ng buong sasakyan sa pambayad sa abogado at gastusin sa korte habang humahalakhak ang mga LGU at systems provider sa libre nilang abogado mula mismo sa gobyerno.