NCR COVID-19 positivity rate, 5.8% na lang – OCTA

NCR COVID-19 positivity rate, 5.8% na lang – OCTA

January 10, 2023 @ 2:06 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Bumaba sa 5.8% ang seven-day COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) sa unang linggo ng 2023, ayon sa datos ng independent monitoring group na OCTA Research nitong Martes.

Inilahad ni OCTA fellow Dr. Guido David na ang positivity rate ng NCR — o porsyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri — ay bumaba mula 9.1% noong Disyembre 31, 2022, hanggang 5.8% noong Enero 7, 2023.

Sa Luzon, bumaba rin sa “low” level ang positivity rate sa Batangas, Bulacan, Ilocos Norte, at Pangasinan, na nangangahulugang mas mababa ang mga ito sa 5% threshold.

Naitala sa Bulacan ang pinakamababang datos sa 3.5%, mas mababa sa 4.4% noong nakaraang linggo.

Bumaba rin ang positivity rate sa ilang lalawigan tulad ng Albay, Bataan, Benguet, Cagayan, Camarines Sur, Cavite, Isabela, La Union, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Quezon, at Rizal nitong nakaraang linggo.

Sa kabila nito, mataas pa rin ang positivity rates sa Isabela at Albay, sa 35.1% at 25.6%.

Iniulat ng Department of Health (DOH) noong Lunes na may kabuuang 3,127 bagong impeksyon sa COVID-19 ang naitala sa buong bansa mula Enero 2 hanggang Enero 8, 2023. RNT/SA