NCR most wanted arestado sa Pasay!

NCR most wanted arestado sa Pasay!

July 22, 2022 @ 11:59 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado sa bisa ng isang warrant of arrest ang isang tinaguriang most wanted person dahil sa iba’t-ibang kinasangkutang krimen sa Pasay City kabilang ang 15 kaso ng carnapping sa buong Metro Manila.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Cesar Paday-os ang dinakip na suspect na si Russel Pacia, 52, residente ng Sun Valley, NAIA Road, Pasay City.

Ayon kay Paday-os, nadakip ang suspect ng mga tauhan ng Pasay City police Warrant and Subpoena Section (WSS) dakong alas 3:00 ng hapon sa kahabaan ng Abad Santos Avenue, Manila sa pagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) laban sa mga laban sa mga wanted na indibidwal.

Sinabi ni Paday-os na si Pacia ay may kinahaharap na kaso ng carnapping sa tatlong korte na kinabibilangan ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Gina Bibat-Palamos ng Branch 108, RTC Branch 110 kay Judge Petronillo A. Sulla Jr at RTC Branch 12 na hawak naman ni Judge Jesus Mupas of Branch 112 kung saan inirekomenda ng tatlong nabanggit na hukom ang piyansang P180,000 sa bawat kaso para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Napag-alaman din kay Paday-os na walong kaso ng carnapping ang isinampa laban kay Pacia sa sala ni Judge Edwin Ramizo ng Pasay RTC Branch 114 kung saan inirekomenda ang piyansang P1.4 milyon.

Naisyuhan ng warrant of arrest si Pacia ni Pasay RTC Judge Francisco Mendiola ng Branch 115 na may inirekomendang P300,000 na piyansa at nahaharap din ang suspect sa tatlo pang kaso ng carnapping sa sala ni Judge Eugenio Dela Cruz ng Branch 117 na mayroon namang inirekomendang piyansa na P540,000.

Nakapag-isyu din ng warrant of arrest si Pasay RTC Judge Wilhelmina Jorge ng Branch 111 laban kay Pacia dahil sa kasong estafa gayundin si RTC Branch 114 Judge Edwin Ramizo kung saan nagrekomenda ang dalawang hukom ng piyansang P40,000 bail sa bawat kaso habang nahaharap naman sa dalawang kaso pa ng estafa si Pacia sa sala ni Judge Eugenio Dela Cruz ng Branch 117 na nagrekomenda naman ng piyansang P80,000.

Sinabi ni Paday-os na hindi lamang sa Pasay may kinahaharap na kaso si Pacia kundi pati na rin sa Quezon City sa sala ni Judge Jose Paneda ng Branch 220 sa lkasong estafa kung saan may inirekomenda sa kanyang P40,000 piyansa.

Dagdag pa ni Paday-os na bukod sa mga kasong carnapping at estafa ay may kinahaharap pa ring tatlong kaso ng paglabag sa bouncing checks law si Pacia sa Pasay Metropolitan Trial Court (MeTC) at sa Marikina City.

Naglabas din ng warrant of arrest si MeTC Judge Kirk Aninon ng Branch 44 noong Disyembre 1, 2015 na may inirekomendang piyansa na P35,000 habang si Marikina City MeTC Judge Marie Lyn Andal ng Branch 92 naman ay nag-isyu din ng warrant of arrest laban kay Pacia noong Marso 29, 2016 na may kasabay na rekomendasyon na piyansang P6,000 sa tatlong kasong kanyang kinasasangkutan sa korte. James I. Catapusan