NCR substation commanders, inobliga sa drug test

NCR substation commanders, inobliga sa drug test

January 10, 2023 @ 1:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inobligang sumailalim sa drug test ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lahat ng substation commanders sa Metro Manila mamayang alas-2 ng hapon.

Ayon kay NCRPO Director PMGen Jonnel Estomo, kailangang sumailalim sa biglaang mandatory drug test ang lahat ng substation commanders na mga may ranggong Lt. Colonel.

“Dapat magpadrug test sila para makita ng kanilang mga tauhan na hindi sila gumagamit ng droga….at maging mabuting halimbawa ng isang mabuting lider,” sabi ni NCRPO Director PMGen Estomo.

Ginawa pang halimbawa ni PMGen Estomo ang pagpapa-drug test nila ng 72 third level oficers na nag-negatibo silang lahat.

“Kami nung Friday nagpadrugs test. Negative naman. Yung mga ayaw magpa test magsabi na,” sabi ni Estomo.

Ang kautusan ni Estomo ay ginawa makaraan ang pinning and donning of ranks sa mga bagong promote na mga kapitan, major hanggang Lt. Colonel sa NCRPO grandstand pasado alas-9 ng umaga.

Sa naturang okasyon ay hinamon naman ni PMGen Estomo ang mga bagong promote na opisyales na maging “mature” sa kanilang tungkulin.

Aniya, dapat na kumilos ang mga opisyal nang naaayon sa kanilang ranggo.

“Kailangan maging mature kayo. Kalimutan na yung dating ranggo (para makaperform ayon sa hinihingi ng katungkulan),” sabi ni PMGen Estomo. Dave Baluyot