NCRPO CHIEF ESTOMO, TUNAY NA ALAGAD NG BATAS

NCRPO CHIEF ESTOMO, TUNAY NA ALAGAD NG BATAS

February 2, 2023 @ 1:34 PM 2 months ago


SA gitna ng kontrobersya hinggil sa umiinit na namang pagkakasangkot ng ilang police officials sa illegal drugs ay may magandang balitang iniulat ang liderato ni PMGen. Jonnel Estomo.

Malaking balita ang pagsuko ng 26 na hardcore officials and members ng New People’s Army sa pinamumunuang National Capital Region Police Office (NCRPO) ni Estomo.

Nabatid na ang mga sumuko ay mula sa malayong lugar ng Kabikulan na at sila ay kumikilos bilang local party leaders.

Hindi na nga ‘area of responsibility’ ni ‘Esto’, tawag ng ilan kay Estomo, ang Bicol subalit bakit kilala siya ng mga rebelde at sa kanyang teritoryo nagsisuko ang mga ito?

Dahil sa mga pangyayari, maliwanag na ipinakikita ng heneral na top cop ng NCRPO na ang kanyang pagseserbisyo ay walang hanggan at para sa lahat. Ito ay patunay lang na siya ay isang tunay na alagad ng batas.

Tiyak na may ginawang estratehiya ang kampo ni ‘Esto’ kaya nagsisuko ang mga NPA sa NCRPO at hindi sa dapat asahan na pulis-Bicol at Armed Forces of the Philippines.

Malaki ang balitang ito na nagbigay ningning sa PNP, lalo ngayong ang pulisya ay nahaharap na naman sa ‘madilim na nakaraan’ dahil sa usaping may kaugnayan sa ilang opisyal at pulis na sangkot sa iligal na droga.

Speaking of accomplishments, siguro’y mananahimik na ang kaluluwa ng pinatay na PR man na si Bubby dacer dahil ang killer na si Willian Reed na dating pulis ay nasakote ng NCRPO cops.

Madulas itong si Reed na missing sa mahigit 29 na taon. Siya ay unang nagtago sa ibang bansa at bumalik sa Pilipinas bago nagpalipat-lipat sa iba’t ibang probinsya hanggang matunton ng NCRPO intelligence team.

Ang kaliwa’t kanang malalaking accomplishment ng NCRPO, iba pa ‘yung achievement sa mga nakaraang assignments ay nagpapakita kung anong klaseng lider si Estomo.

Kaya ‘di nakapagtatakang isa sa napupusuan ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na papalit kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ay ang NCRPO director dahil sa ipinapakitang sipag at dedikasyon nito sa tungkuling ipinagkaloob sa kanya bilang puno ng Metro Manila Police.