NCRPO CHIEF SA MGA TAUHAN: PILIING MAGING MABUTING PULIS

NCRPO CHIEF SA MGA TAUHAN: PILIING MAGING MABUTING PULIS

October 12, 2022 @ 4:38 PM 2 months ago


NANININDIGAN ang pamunuan ng Philippine National Police at mga tauhan nito na sila ay magkakasama at iisa ang layunin – ang pagsilbihan at paglingkuran ang mamamayan.

Sa kanyang pananalita sa 3-days seminar on PNP Disciplinary and Non-Disciplinary Policies noong Oktubre 5-8, 2022 na ginanap sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, idiniin ni PBGen. Jonnel Estomo, regional director ng National Capital Region Police Office, na ang kanilang tungkulin ay ang pagtupad sa mismong motto ng kanilang organisasyon na “To serve and protect.”

Ayon kay Estomo, para sa kanilang mga pulis, sagrado nilang sinusunod ang pagpapatupad ng batas sa ilalim ng kanilang motto at maging sa nakatatak sa kanilang badge na “Service, honor, justice.”

Iginiit pa ng RD ng Kamaynilaan na tagumpay sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan at dalhin sa hustisya ang mga sangkot sa krimen.

Kaya RD Estomo, sa maniwala ka o sa hindi, mataas ang paghanga at respeto sa iyo ng mga nasa National Capital Region sapagkat nakikita nila na nagtatrabaho ka at hindi natutulog sa pansitan. Kaya sakaling may magpa-survey, tiyak na bibigyan ka ng high approval rating.

Bagaman nangyari ang pamamaslang sa kasamang mamamahayag na si Percival Mabasa alyas Percy Lapid, hindi naman tumitigil si Estomo at kanyang mga tauhan sa pag-iimbestiga upang malutas ang kaso at mabigyang katarungan ang pagpaslang sa miyembro ng fourth estate.

Dahil nga sa pangyayari, mas pinaiigting pa ng PNP ang kanilang pagsisikap na malutas ang kaso at mas lalong paiigtingin ang kanilang pagsisikap na sugpuin ang kriminalidad partikular ang laban sa iligal na droga.

Ipinaliwanag ng top cop ng Metro Manila na ang pulis ay kailangang kumilos at laging handa sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan.

“Hindi tayo mga amo na paglilingkuran ng mga mamamayan subalit tayo ay mga pulis na naglilingkod sa bayan,” pagdidiin ni Estomo sa kanyang pananalita sa harap ng mga dumalo sa seminar.

Tama naman si Estomo sapagkat ang mga pulis ay sinasabing tulad ng ibang opisyales at empleyado ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, taumbayan ang pinanggagalingan ng kanilang sahod.

Kaya naman kasabay nang pangaral sa mga pulis na dapat ayusin ang paglilingkod, sinabi ni Estomo na dapat ay mahalin ng mga ito ang kanilang trabaho at uniporme sapagkat ito ang simbolo ng kanilang pagiging makabayan at pagmamahal sa kaayusan at kapayapaan.

Umaasa ang RD ng NCRPO na lalo pang mapagbubuti ng kanilang hanay ang pagtupad sa kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa mga komunidad na kanilang binabantayan.

Iginiit pa ni Estomo na mahirap ang pinagdaanan ng mga pulis para lang makapasok sa organisasyon kaya dapat na maging mabuti ang mga ito.

“Mahirap maging mabuting pulis subalit dapat nating gawin, madali maging ‘bad cop’ pero saan naman pupulutin?,” dagdag ni Estomo.