NCRPO CHIEF WORTH SPEAKS FOR HIMSELF

NCRPO CHIEF WORTH SPEAKS FOR HIMSELF

January 30, 2023 @ 11:47 AM 2 months ago


LAHAT na lang yata ng katangian ng isang matinong opisyal, padre de pamilya, mamamayan, kaibigan at kakilala ay ipinagkaloob na kay National Capital Region Police Office director PMGen. Jonnel Estomo.

Sa madaling salita, wala ka nang hahanapin pa dahil lahat na lang ng magagandang katangian ay kinuha na nitong hepe ng NCRPO. Siya ang taong pwedeng sabihan na “walang masamang tinapay.”

Siya ang opisyal na hindi gahaman sa pera. Bakit? Aba’y lahat na lang yata ng lumapit sa kanya upang manghingi ng tulong ay kanyang binibigyan. At maraming mga pagawain sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan o sa NCRPO headquarters ay kanyang ipinagagawa kaagad.

Subalit hindi lang naman iyon ang kayang mga katangian. Dahil nga kaibigan niya ang lahat, marami ang tumutulong sa kanya upang maisaayos ang kaayusan at kapayapaan sa Metro Manila.

Sa ilalim ng  pamunuan ni Estomo, maraming mga dating kalaban ng pamahalaan ang sumuko upang magbagong buhay.  Hindi sila pinagkaitan ng heneral ng pagkakataon na magbagong buhay at tinulungan pa upang makapagsimula sa pamamagitan ng pagbibigay ng puhunan para sa kabuhayan.

Maraming kaso na ang nalutas sa ilalim ng pamunuan ng top cop ng NCRPO na si Estomo. Bukod pa sa mga proyektong kanyang inilunsad na talaga namang nakatulong ng malaki upang mapabilis ang serbisyo ng pulisya sa pamayanan.

Unang proyekto niya ang S.A.F.E. NCRPO na totoong malaking bagay para sa mga mamamayan ng Metro Manila dahil nakasisiguro silang ligtas kasama ang kanilang pamilya sa kanilang tahanan sapagkat “habang tulog sila, ang mga pulis ay gising” upang pagserbisyuhan sila.

Maraming proyekto pa ang sumunod. Ang isang mahalaga pa ay ang  S.A.F.E. NCRPO APP ALERT na inilunsad lang kamakailan upang mas mapabilis ang pagresponde ng mga pulis sa biglaang sitwasyon ng mamamayan at pamayanan.

Unang nailunsad ito sa mga barangay upang mapabilis ang pagresponde ng mga pulis na nakatalaga sa lugar. Isusunod na ang mga hospital, paaralan at ilan pang mataong lugar bago pa ang mga mamamayan sapagkat hindi na kailangan pa na makuha ang mga detalye nila sapagkat sa panahong ilunsad ito ng todo ay pawang nakatala na ang mga mobile phone ng mga tao.

Sa ngayon, mababa na ang bilang ng mga naitalang krimen sa Metro Manila at iyon ay dahil na rin kay Estomo at sa kanyang mga opisyal at mga tauhan na pawang episyente sa pagtupad sa tungkulin.

Kaya masasabing napakahalaga ni Estomo at ang kanyang mga proyekto sa Kamaynilaan dahil isa siya sa mga dahilan kung bakit tahimik ang kanyang nasasakupan.