NCRPO DIRECTOR, MAY NAIS PATUNAYAN

NCRPO DIRECTOR, MAY NAIS PATUNAYAN

September 10, 2022 @ 4:16 PM 3 weeks ago


PAG-UPO pa lang ni National Capital Region Police Office director P/BGenb. Jonnel Estomo sa kanyang puwesto ay kaagad na niya inilatag ang kanyang programang S.A.F.E NCRPO na ang ibig sabihin ay kaligtasan ng bawat mamamayan na nasa Kamaynilaan.

Ipinaliwanag ni Estomo na nais niyang iparamdam sa kanyang nasasakupan ang kahalagahan ng mga ito sa kanilang tungkulin kung kaya naman nais niyang habang natutulog ang taumbayan ay gising naman ang mga pulis upang sila ay pagsilbihan sa pamamagitan nang pagbabantay sa kanilang buhay, sa kanilang mga mahal sa buhay at sa kanilang kabuhayan.

Kaya naman maging ang pakikiisa ng mga mamamahayag ay kanyang hiningi upang maging ang mga ito ay makipagtulungan sa pulisya sa pagpapalagayan ng kaayusan at katahimikan sa mga pamayanan.

At upang mas mapalakas pa ang pagbabantay ng kanyang mga tauhan sa kanilang nasasakupan pinangunahan niya ang turn-over ng karagdagang 72 motorcycle units para sa miyembro ng Regional Mobile Force Battalion-Tactical Motorcycle Riders Unit.

Gagamitin sa pagpapatrulya ang mga bagong motorsiklo lalo na sa mga lugar kung saan mataas ang bilang ng krimen at upang mapabilis ang pagresponde sa anumang kaganapan sa isang lugar.

Sa pagkakaloob ng mga motorsiklo sa RMFB-TMRU, pinaalalahanan ni Estomo ang mga pulis na hindi nila puwedeng gamitin ang nasabing sasakyan sa kalokohan o sa paggawa ng krimen dahil magiging masama ang imahe ng pulisya subalit inaasahan niyang gagawin ng mga ito ang kanilang tungkulin ng tama upang maging magandang ehemplo sa kanilang kapwa pulis.

Serbisyo sa mamamayan ang nasa isip ng regional director ng NCRPO sapagkat hindi pa man hinihingi ng Filipino-Chinese community ang kanyang tulong ay siya na mismo ang lumapit sa mga ito upang humingi ng mga detalye at alamin ang solusyon sa kumakalat na isyu na usong-uso ang kidnapping.

Importante talaga sa opisyal na ito ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. Subalit hindi lang mga Pinoy ang kanyang pinangangalagaan subalit maging ang mga dayuhan na nasa bansa. Dahilan ni Estomo, kapag may hindi magandang nangyari sa mga dayuhan maging nagtratrabaho sila rito o turista sa imahe pa rin ng kaayusan at kapayapaan ng bansa ito ay magre-reflect.

Kaya nga para kay Estomo, kaligtasan ng lahat ang mahalaga. Tama lang ang paglulunsad niya ng S.A.F.E NCRPO. Maayos na pamumuno, ligtas na pamayanan.