NCRPO magtatalaga ng 10K pulis para sa Undas 2022

NCRPO magtatalaga ng 10K pulis para sa Undas 2022

October 17, 2022 @ 11:24 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Halos 10,000 pulis ang itatalaga sa Metro Manila upang magbantay para sa Undas o All Saints’ Day sa Nobyembre 1, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Lunes.

“We have 10,000 police personnel who will be deployed all over Metro Manila sa 80 na sementeryo [in 80 cemeteries] and 24 columbariums,” ani NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Dexter Versola.

Bukod sa mga pulis, magpapakalat din ng force multipliers kabilang mga tauhan mula sa local government units, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Health.

Ayon kay Versola, ikakasa ng NCRPO ng maximum police visibility bilang bahagi ng crime prevention strategy nito upang siguraduhing ligtas ang Undas.

Nauna nang inihayag ng Philippine National Police (PNP) na dadagdagan nito ang itatalagang tauhan bago ang Undas sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na ang karagdagang mga tauhan ay itatalaga sa mga lugar kung saan dumaragsa ang mga tao tuwing “ber” months, karamihan sa kanila sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, maging sa Cebu, Davao, at Baguio.

Samantala, nagpalabas na ang pamunuan ng Manila North at South cemeteries ng mga alituntunin para sa mga dadalaw sa kanilang pumanaw na mga mahal sa buhay sa Undas. RNT/SA