NCRPO MEDIA TIME, PATOK!

NCRPO MEDIA TIME, PATOK!

February 14, 2023 @ 12:14 PM 2 months ago


SA imbitasyon ni PMaj. Anthony Alising, hepe ng Public Information Office ng National Capital Region Police Office, dumalo ang Chokepoint sa ‘media night’ noong Pebrero 9, Huwebes, na isinagawa sa Hinirang Hall na nasa loob mismo ng NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Salamat kay Alisin sapagkat sa pamamagitan niya ay muling nakatalamitam at nakaut-utang dila ang mga kaibigan, kapatid sa hanapbuhay at mga kakilalang opisyal na dekada ko nang ‘di nakikita.

Ang veteran newsman na si Romy Evangelista na una kong nakilala sa Defense at Camp Crame beats ay muli kong nasilayan, nakakuwentuhan sa nakaraan matapos ang mahigit dalawang dekada.

Ang journal colleague na lumipat sa Star Publication at ngayo’y columnist ng Pilipino Star ngayon na si Non ‘Dipuga’ Alquitran ay dumalo kasama ang iba pang mga kaibigang mamamahayag.

Nakakatuwang ang lahat ng press group – mula print, radio at telebisyon na nagko-cover sa National Capital Region o Metro Manila ay magkakasama sa iisang pagtitipon na tinawag na ‘media time’.

Mahigit apat na dekada na ako sa propesyon pero wala akong matandaan na nagkaroon ng ‘regular media time event’ ang ibang media beats kundi ang kasalukuyang liderato ni PMGen. Jonnel “Esto” Estomo, regional director ng NCRPO.

Ang media time ay buwanang isinasagawa kung saan si Estomo, opisyales ng NCRPO, hepe ng limang police district ng Metro Manila ay kasama ang mga mamamahayag para sa isang munting piging.

Sa nasabing event ay nasaksihan din ng inyong lingkod ang paggagawad ng award ng NCRPO na pinangunahan ni PBGen. Jun Hidalgo, regional deputy chief for administration, sa mga miyembro ng media.

Ang certificate of appreciations na iginawad ay bilang pagkilala sa media members na katuwang sa pagpapalaganap ng mga programa at proyekto ng ni Estomo.

At sa totoo lang, ang media time na isinasakatuparan ng liderato ni Esto” ay malaking bagay para mapanatili ang magandang samahan at pagtitinginan ng media at ng pulisya.

Patok ang media time.

Good job, NCRPO family!