NCRPO sa protesta: “maingay ito pero ang mahalaga ay mapayapa at maayos”

NCRPO sa protesta: “maingay ito pero ang mahalaga ay mapayapa at maayos”

July 23, 2018 @ 12:17 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines –  Inaasahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magiging maingay ngunit mayroong kaayusan ang mangyayaring protesta sa ikatlong State of the Nation Address (SONA).

Sa isang panayam kay NCRPO chief General Guillermo Eleazar inabisuhan niya ang mga pro at anti-Duterte na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng pagsunod sa kani-kanilang lider bilang pagtupad sa kasunduan sa pagitan ng NCRPO.

“Sa ating mga kababayan na sasama sa mga programa, whether you belong sa pro or anti, ang aming pakiusap ay sundin n’yo ang mga alituntunin na ibibigay sa inyo ng mga leader ng grupo n’yo dahil nag-usap kami niyan,” sabi ni Elezar.

Sa pakikipag-usap ng Philippine National Police’s (PNP) sa mga community leader at stakeholder para sa SONA noong July 18, pinagkasunduan ng PNP at mga lider ng mga organisasyon na dapat panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa magaganap na SONA.

“Ang mahalaga – sabi nga ng pangulo – bigyan ng pagkakataon sila na ilabas ang kanilang mga saloobin. Ang ating kapulisan naman – sa direktiba ng ating chief PNP (General Oscar Albayalde) – panatilihing maayos at mapayapa ang mga programa sa Sona,” sabi pa niya.

Samantala, inabisuhan naman ni Eleazar ang mga motorista na asahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue kung saan naroroon ang mga protestante dahil isasarado ang mga lanes mamayang hapon upang magbigay daan sa mga protesta.

“Even walang klase ang lahat ng antas ng paaralan sa Metro Manila, merong magco-commute, tatahak dito, asahan nyo talagang maii-stress kayo dito dahil sa tindi ng daloy ng trapiko.”

Inaasahang magtatapos ang programa ng mga pro at anti-Duterte  alas-6 ng hapon habang inaasahan naman malinis ang mga lanes alas-7 o alas-8 ng gabi. (Remate News Team)