NCUP sa Shopee, Lazada: ‘Di rehistradong heated tobacco, vape products aksyunan

NCUP sa Shopee, Lazada: ‘Di rehistradong heated tobacco, vape products aksyunan

January 26, 2023 @ 1:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dapat nang aksyunan ng e-commerce platforms na Shopee at Lazada ang malaganap na “unregistered and untaxed cigarettes, heated tobacco at vapor products” sa kanilang online stores para protektahan ang mga mamimili at tiyakin ang tamang koleksyon ng buwis para sa gobyerno, ayon sa isang consumer advocacy group.

Sa katunayan, isang liham ang ipinadala ng Nicotine Consumers Union of the Philippines Inc. sa Shopee Philippines at Lazada Philippines para hilingin sa mga ito na pigilan ang mga mangangalakal na gamitin ang kanilang online platforms mula sa pagbebenta ng illicit products.

“This request is to protect consumer rights and welfare,” ayon kay NCUP president Antonio P. Israel.

Tinuran ni Israel ang paglaganap ng illicit o unregistered tobacco products at vaporized nicotine at non-nicotine products na naka-display at binebenta sa Shopee at Lazada.

“While the COVID-19 pandemic has pushed the use of and reliance on e-commerce platforms, there has also been a marked increase in illicit products in e-commerce platforms that ultimately harm the rights and welfare of consumers,” ayon kay Israel.

Aniya, ang lahat ng sellers, kapuwa sa online at physical stores, importers at distributors ng sigarilyo, heated tobacco, at vapor products ay dapat na sumusunod sa ‘alituntunin at batas’ para labanan ang hindi inaasahang paggamit sa mga produkto at tiyakin ang patas na koleksyon ng tamang government taxes.

“Illicit and unregistered products evade regulatory oversight, leaving the public in danger of consuming substandard products,” wika ni Israel.

Aniya, mahalaga ang papel ng plataporma ng Shopee at Lazada sa pagsugpo sa presensya ng unauthorized sellers at produkto.

Sa kabilang dako, ang kopya ng liham ay ipinadala rin kina Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means; Department of Finance Secretary Benjamin Diokno; Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual; Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.; Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr.; at Bureau of Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Ang NCUP ay isang non-profit national advocacy organization na naniniwala na ang karapatan at interest ng milyong Filipino smokers at vapers ay kailangan na protektado at mapangangalagaan mula sa “substandard, unregulated at non-registered tobacco/nicotine products at alternatibong nicotine products.”

Isinusulong ng nasabing grupo ang ‘tobacco harm reduction’ bilang potential public health policy solution, lalo pa’t kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act No. 11900 o mas kilala bilang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act “which adopts a balanced policy where novel consumer products are properly regulated using internationally-accepted product standards to protect the citizens from the hazards of unregistered and substandard vapor products and heated tobacco products.”

“However, such new law is threatened by the presence of illegal products, particularly those in e-commerce platforms and online marketplaces,” ang pahayag ni Israel.

Aniya pa, sa pamamagitan ng mabilis na paghahanap o pagsasaliksik sa e-commerce platforms at online marketplaces, makikita ang maraming listahan ng mga produkto na hindi kasama sa Revenue Memorandum Circular No. 79-2022 ng BIR, makikita at mabibilang ang listahan ng registered importers o manufacturers at ang corresponding products nito ay legal na nabebenta, na-advertised o ipinamamahagi sa Pilipinas.

Ang RMC No. 79-2022, tahasang nagpapahayag na ang anumang produkto na hindi kasama sa listahan, walang BIR tax stamp, walang mandatong graphic health warning, at mas mababa pa sa tinatawag na floor minimum prices ay dapat lamang na ikonsidera bilang unauthorized/illicit subject na dapat na samsamin at hulihin.

Samantala, sinabi pa ni Israel na ang RA 11900 ay malinaw na nagpapahayag na ang pagbebenta o pamamahagi ng vaporized nicotine at non-nicotine products, devices nito, at novel tobacco products sa pamamagitan ng internet websites o via e-commerce at/o iba pang kahalintulad na media platforms ay dapat na ginagawa lamang ng online sellers o distributors na rehistrado sa Department of Trade and Industry o Securities and Exchange Commission.

Aniya pa, ang mga produkto na nabibili o ibinebenta at ina-advertised sa online ay dapat na sumusunod sa health warning requirements at maging sa iba pang BIR requirements kabilang na ang tax stamp, minimum o floor price at iba pang fiscal marks.

Sinabi pa ni Israel na Setyembre 2022, hiniling ni Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means, sa Department of Trade and Industry na habulin ang “untaxed, imported vaping products” na pinalalabas o pinagmimistula bilang laruan at electronics sa online selling platforms.

Kaya ang hiling ni Salceda sa mga awtoridad na higpitan ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11900. Kris Jose