NDF consultant tigok sa military ops

NDF consultant tigok sa military ops

December 1, 2022 @ 9:15 AM 2 months ago


KABANKALAN CITY- PATAY ang isang consultant ng National Democratic Front (NDF) na si Ericson Acosta at kasamahan na organizer ng mga magsasaka sa isinagawang operasyon ng militar kahapon ng umaga (Miyerkoles) sa Negros Occidental.

Kinilala ang mga nasawi na aktibista/artist na si Ericson alyas Raffy Acosta, 49-anyos at Albert alyas Tantan Jimenez.

Batay sa report ng 3rd Infantry Division dakong 2:10 AM unang naganap ang engkuwentro sa isinagawang joint combat operation ng 94th Infantry Battalion (94IB) at 47th Infantry Battalion (47IB) sa Sitio Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa presensiya ng rebeldeng grupo.

Makalipas ang 5-minutong palitan ng putok umatras ang rebeldeng grupo patungo sa timog na bahagi ng lalawigan.

Pagsapit ng 2:25AM 100 metro ang layo mula sa lugar ng unang bakbakan muling sumiklab ang sagupaan sa isinagawang pursuit operations ng tropa ng pamahalaan laban sa teroristang New People’s Army (NPA).

Tumagal ng 10-minuto ang engkuwentro na ikinamatay ng dalawang NPA.

Nakuha sa mga nasawi na rebeldeng NPA ang isang KG9 na may magazine at mga bala, dalawang Cal.45 Pistol na may mga magazine at mga bala, dalawang hand grenade, mga dokumento, at lecture materials.

Samantala, iginiit naman ng tagapagsalita ng NDF-Negros na si Ka Bayani Obrero na hindi engkuwentro ang nangyari sa pagkamatay nina Acosta kundi isang summary execution.

Aniya, nadakip na buhay ng dalawa ng mga militar bandang 2:00 a.m sa nasabing lugar.

Dagdag pa ni Obrero na nasa Kabankalan City si Acosta upang kumonsulta sa sitwasyon ng mga manggagawang bukid sa southern Negros Occidental at ibahagi ang mga development sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).

Tinawag naman sinungaling ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Colonel Medel Aguilar ang pahayag ng NDF-Negros at sinabing gusto lamang siraan ng grupo ang militar.

Giit ni Aguilar na ang mga pahayag ng NDF-Negros ay kasinungalingan at malayo sa katotohanan.

Sinabi nito na hindi magtatagumpay ang rebeldeng grupo para patuloy na maghasik ng kaguluhan at nadamay ang mga inosenteng mamamayan at siraan ang hanay ng AFP.

Si Acosta ay kasalukuyan Deputy Secretary of Komiteng Rehiyon- Negros Cebu Bohol Siquijor (KR-NCBS) at lider rin ng Political Unified Committee (PUC) ng NPA Terrorists sa Visayas at asawa ng namatay na NPA lider na si Kerima Tariman, sa naganap ang engkwentro ng elemento ng 79IB sa Silay City noong Agosto 22, 2021. /Mary Anne Sapico