NDRRMC: 4 patay, 131 sugatan sa Abra quake

NDRRMC: 4 patay, 131 sugatan sa Abra quake

July 28, 2022 @ 10:10 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa 131 ang bilang ng mga sugatan dahil sa magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra nitong Miyerkules, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMC) ngayong Huwebes.

Sa ulat ng NDRRMC, inihayag nito na nananatili sa apat ang bilang ng mga nasawi.

Samantala, 12,945 indibidwal o 3,456 pamilya sa 149 barangay sa Cordillera ang apektado ng lindol, base pa sa ulat.

Dagdag pa rito, 541 pamilya umano ang nananatili sa 21 evacuation centers.

Napinsala naman ang 868 tahanan sa Cordillera, batay sa NDRRMC.

Samantala, 17 imprastraktura naman ang naiulat na napinsala sa Ilocos, Central Luzon, at Metro Manila. Tinatayang papalo sa P33,800 ang pinsala sa Ilocos.

Iniulat din ng NDRRMC ang dalawang insidente ng landslide, dalawang structure collapse, at tatlong falling incidents sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon.

Hindi pa rin madaanan ang 19 daan sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera.

Sa kabuuan ay mayroong 37 lungsod at munisipalidad na nakaranas ng power interruption, kung saan isa na lamang ang nananatiling walang kuryente.

Nasa 20 klase at 54 work schedules naman ang sinuspinde sa Ilocos dahil sa lindol.

Papalo naman sa 1,248 indibidwal ang inilikas sa Ilocos Region dahil sa kalamidad.

Naipamahagi na rin ang P291,761 tulong sa mga biktima sa Cordillera. RNT/SA